Escudero sa mag-asawang Ongpauco: 'Wala kayong karapatang saktan ako o ang pamilya ko'
Nanawagan si Senador Francis Escudero sa mga magulang ng kanyang girlfriend na si Heart Evangelista, na itigil na ang pag-atake sa kanya dahil wala umano silang karapatan na saktan siya at ang kanyang pamilya. Sa isang pahayag na inilabas nitong Huwebes sa Naga, sinabi ni Escudero na sinusubukan niyang intindihin ang mga magulang ni Heart ngunit sumobra na umano ang mga ito. "Hindi na tama yung ginagawa nila sa akin. Hindi na rin tama yung ginagawa nila sa amin, hindi na rin tama yung ginagawa nila sa anak nila. Tatay din ako, parent din ako, mahal ko rin ang mga anak ko pero hindi ako mandadamay, mananakit at maninira ng kapwa sa ngalan ng pagmamahal ko sa anak ko," anang senador. "At kung meron man akong diperensiya kung saka-sakali sa mga anak ko, hindi ko isasapubliko, hindi ako magpe-presscon, hindi ako mandadamay ng ibang tao," dagdag niya. Aminado si Escudero na kung kayamanan ang basehan, hindi niya matutumbasan ang yaman ng mga Ongpauco ngunit hindi umano ito katwiran na maaari na nila siyang punahin at saktan ang kanyang pamilya. "Tama na rin marahil ang sinabi ng magulang niya, hindi ko kayang tustusan yung luho, yung buhay na binibigay nila sa anak nila. Pero kung anuman meron ako, sapat yun para sa akin," paliwanag ng senador. "Pero kahit gaano man karami siguro ang pera nila, hindi naman siguro lisensya yun para maliitin sinuman o yurakan yung katauhan ko at maapektuhan din ang pamilya ko," dagdag niya. Epekto sa boto Sa panayam naman sa veteran public relations expert na si Reli German at political analyst Ramon Casiple, kapwa nila sinabi na maaaring makaapekto sa kandidatura ni Escudero ang sigalot na kinakaharap nito sa mga magulang ni Heart. “Malapit sa puso ng mga Pilipino ang mga magulang at nakatatanda. Kapag may ginawa kang masama sa mga sektor na ito, malaking bagay para sa mga Pinoy. Mawawalan ng respeto ang mga tao sa iyo,” paliwanag ni German sa GMA News Online. Sumang-ayon naman dito si Casiple na nagsabing: "Hindi pa natin ma-gauge sa ngayon kung gaano ba kalaki ang magiging epekto nito sa ranking niya. Pero I agree [sa mga sinasabing] may ilang segment ng mga botante na conservative na magsa-side sa parents ni Heart." Base sa popularity surveys, nananatiling pumapangalawa sa ranggo ng mga senatorial candidate si Escudero kasunod ng nangungunang si reelectionist Sen. Loren Legarda. Apektado ang pamilya Kasabay nito, humingi ng paumanhin si Escudero sa publiko sa kanyang pagpapaliwanag tungkol sa isyu pero kailangan daw niya itong gawin dahil naapektuhan na ang kanyang pamilya. "Madadamay mga anak ko, medyo may isip na sila maski na bata pa at ayoko na dumating sa punto na kakantiyawan sila ng mga kaklase nila tungkol dito; nadadamay na rin ang nanay ko, kamamatay pa lang ng tatay ko at parang pinapalabas na hindi ako pinalaki nang maayos at hindi rin ako tinuruan ng magandang asal," paliwanag niya. Si Escudero ay anak ng yumaong si Sorsogon Rep. Salvador Escudero III. Ayon sa nakababatang Escudero, wala umano siyang ginawang masama kay Heart o sa pamilya ng aktres. "Alam nila yun. Lahat ng ito, lahat ng ginawa at sinabi nila, lahat ng gagawin pa nila o sasabihin pa nila. Iisa lamang naman ang dahilan, rason at puno’t dulo, nanggaling mismo naman sa kanila, gusto nila kaming paghiwalayin. Gusto nilang maghiwalay kami," aniya. Noong Martes, lumabas sa publiko ang mga magulang ni Heart at umapela sa kanilang anak na wakasan na ang pakikipagrelasyon kay Escudero, na inakusahan nilang bastos at lasing na pumunta sa kanilang tirahan. “Ang tao, kapag bastos sa magulang, e lalo na yung anak ko, kawawa naman iyon. Baka kung ano mangyari roon. Hindi ako nagagandahan sa ugali niya [Escudero],” ayon kay G. Ongpauco, ama ni Heart. Gayunpaman, sinabi ni Escudero na masaya siya at si Heart sa kanilang relasyon bago lumabas ang isyu ng mga magulang ng aktres. "Nasasaktan si Heart dito, mahal na mahal kasi niya mga magulang niya pero nasa edad na si Heart," pahayag ng senador. Idinagdag niya na walang makakapagdikta kung saan nila daldalhin ang kanilang relasyon. "Walang pwedeng magdikta, maski na ako o sino man sa kung anong gagawin o hindi gagawin, kung ano man ang sasabihin at hindi niya sasabihin. May sarili siyang pag-iisip at kaisipan. Sana kung ano man ang maging pasya niya, galangin nating lahat, pati ako," ayon kay Escudero. "Mahal ko siya pero maliwanag naman na matindi itong pinagdadaanan namin. Masakit siyempre. Sana 'wag nang sawsawan ng ibang tao pa ito," pakiusap niya. "Dalangin ko na sana malampasan namin itong hamon na ito... pagsubok sa aming samahan. Siguro panahon lang ang [makapagsasabi]." - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News