'Dugyot' na pagawaan ng sorbetes, sinita sa Dagupan City
Isang pagawaan ng sorbetes sa Dagupan City, Pangasinan ang sinita ng mga awtoridad dahil sa marumi nitong pasilidad at mga kagamitan. Ipinakita sa ulat ni CJ Torida ng GMA-Dagupan sa 24 Oras nitong Huwebes, na sa labas pa lang ng pagawaan ng sorbetes ay nakita ang isang lalagyan ng ice cream sa tabi ng dustpan. Sa loob, tumambad sa mga tauhan ng Dagupan Health Office ang ilang gamit sa paggawa ng sorbetes na nasa sahig. Nagkalat din ang mga kutsara at kinakalawang na mixer. Marumi ang lagayan ng yelo, at inaagiw ang kisame. Natuklasan din na walang kaukulang business at sanitary permit ang pagawaan ng sorbetes. Sa kabila nito, hindi muna tuluyang ipinasara ang nabanggit na pagawaan. Binigyan ng isang linggo ang may-ari na kumuha ng mga kaukulang papeles at linisin ang pagawaan. Tiniyak naman ng may-ari na susundin ang iniutos sa kanila. - FRJ, GMA News