Kris Aquino at 2 anak, tumulak papuntang France
Matapos pumutok sa media ang panibagong alitan sa dati nitong asawa na si James Yap, tumulak na patungong Europa ang TV host-actress na si Kris Aquino at dalawa nitong anak Sabado ng gabi. Sa ulat ni Nelson Canlas sa “24 Oras,” sinabing papuntang Paris, France, sina Kris at kanyang mga anak – Josh at Bimby – para magbakasyon sa loob ng dalawang linggo. Bago umalis, nagpasalamat si Kris sa lahat ng mga taong nagtanggol umano sa kanya at sa kanyang pamilya. “I wanted to shield myself from the negativity but I also didn’t want to deprive myself of chance to see the positivity. So, nagbukas naman po ako talaga at binasa ko ‘yung mga social networking accounts ko. Sa lahat po sa inyo na pinagtanggol ako, pinagtanggol ang pamilya ko, at ang anak ko, for the rest of my life, tatanawin ko ‘yan na malaking utang na loob,” ani Kris. Naging emosyonal naman ang aktres nang maitanong ang tungkol sa problemang pinagdaraanan ng kanyang pamilya sa ngayon. “Can I just end this by saying, wala naman talagang madali sa buhay pero siguro lahat kakayanin talaga, lahat mapagdadaanan kung ramdam mo ‘yung pagmamahal nung mahahalaga,” aniya. Noong Biyernes, ibinasura ng Makati Regional Trial Court ang kahilingan ni James Yap na pigilan ang pag-alis sa bansa ni Kris at Bimby sa pamamagitan ng isang hold departure order. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News