Pagpapahirap sa sarili sa Semana Santa, napapanahon pa ba?
Ngayong Semana Santa, magiging karaniwang tanawin na naman sa maraming lugar sa bansa ang mga nagpepenitensiya o pinapahirapan ang sarili bilang panata o paghuhugas sa kanilang kasalanan. Kasabay nito, muli ring ipapaalala ng Simbahang Katoliko na hindi nila iniinganyo ang mga tao na saktan ang sarili sa ngalan ng pananampalataya. Si Ruben Enaje, pang-27 taon na ngayong gaganap bilang Kristo at muling magpapako sa krus sa San Pedro Cutud sa San Fernando, Pampanga. Ginagawa raw niya ito bilang pasasalamat dahil nabuhay siya nang maaksidente. Bago ipako sa krus, ilang oras ding bubuhatin muna ni Ruben sa ilalim ng init ng araw ang napakabigat na krus. Plano na raw sana ni Ruben na magretiro ngayong taon pero hindi niya magawa dahil wala pang nakikitang kapalit niya na gaganap na Kristo. Hindi naman daw puwedeng basta na lamang kukunin ang sinumang magboboluntaryo na maging Kristo. Kailangan daw mayroong malalim na dahilan ang taong ipapalit kay Ruben. Sa Balanga, Bataan, unang pagkakataon naman ni Renato dela Cruz na gaganap bilang si Kristo at unang pagkakataon din niya na ipapako sa krus. Dating si Judas ang karakter na ginagampanan ni Renato at ngayon lang siya gaganap bilang si Kristo, kung kailan ipatutupad na literal na ipapako sa krus ang gaganap na Kristo. Sa nakalipas na mga taon kasi, itinatali lang at hindi ipinapako ang gumaganap na Kristo sa senakulo sa kanilang lugar. Sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga magulang, desidido pa rin si Renato at sarili umano niyang pasya na magpapako bilang bahagi ng kanyang panata. Pero paalala muli ng Simbahang Katoliko, hindi kailangang saktan ang sarili para patunayan ang kanilang pananampalataya. Sa halip nga raw na magpapako sa krus o saktan ang sarili, mas makabubuti umano na taimtim na ipagdasal ang mga kasalanan ngayong Semana Santa. "Let us concentrate more on the prayers.... These are the wonderful ways of celebrating the Holy Week," pahayag ni Cebu Archbishop Jose Palma, presidente ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines. Sa ulat ng Union of Catholic Asian News (UCAN) website, sinabi pa ni Palma na ang tunay na diwa ng Holy Week ay ang "conversion of oneself." Para naman kay CBCP Episcopal Commission on Youth head Bishop Joel Baylon, may iba pa namang paraan ng pagsasakripisyo na magiging daan ng tunay na pagbabago. "The Lord appreciates all these forms of sacrifices, but sometimes the kind of sacrifice that we impose on ourselves. (This) is not what the Lord wants us to do," payo ng obispo. Sinabi naman ni Rev. Fr. Abraham Pantig, parish priest ng St. Joseph Cathedral ng Balanga City, na hindi dapat gawing literal sa senakulo ang ginawang pagsasakripisyo ni Kristo. “Ang ginawa ng Panginoong HesuKristong pagpapakasakit, pagkamatay at pagkabuhay na muli ay minsan lang ginawa at Siya lamang ang gumawa,” anang pari. "Ang pagpapahirap ng pisikal sa katawan tulad ng pagpapapako sa krus ay hindi masasabing akma sa pananampalatayang Kristiyano.” Idinagdag pa niya na, “ang Mahal na Araw ay nagpapaalaala sa atin ng lubos na pagbabago, pagtalikod sa kasalanan at pagsunod sa kalooban ng Diyos.” — FRJimenez, GMA News