ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Temperatura sa Dagupan, Pangasinan, binabantayan sa posibleng pagtama ng heat wave


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matapos biglang pumalo sa 38.0 degrees Celsius ang temperatura sa Dagupan City, Pangasinan, mahigpit na itong binabantayan ng PAGASA dahil sa posibilidad na makaranas ng heat wave. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Sabado, ipinaliwanag na ang heat wave ay posibleng mangyari sa biglang pagtaas ng temperatura sa isang lugar at tumagal ng hanggang tatlong araw. Ipinaliwanag na ang karaniwang temperatura sa Dagupan sa panahon ng tag-init ay 35 degrees Celsius kaya ikinagulat nang biglang pumalo ang init sa 38.0 degrees Celsius noong Huwebes. Gayunman, nilinaw ng PAGASA na wala pang nagaganap na heat wave sa anumang panig ng bansa dahil napapalibutan ng tubig ang Pilipinas, na nakatutulong para magbago kaagad ang temperatura sa bansa. Nitong nakaraang Miyerkules, sinabi ni PAGASA forecaster Jori Loiz na karaniwan ngayon na naitatala ang biglang pagtaas ng temperatura sa isang lugar pero bumababa rin naman sa sumunod na araw tulad nang nangyari sa Metro Manila. "Ang pamantayan natin ng heat wave kailangan three degrees mas mataas sa normal temperature sa April, sunod-sunod na tatlong araw," paliwanag ni Loiz sabay halimbawa sa Metro Manila na, "dapat 38-38-38. 'Yan ang definition ng heat wave." Nitong nakaraang Sabado, Abril 6, naitala ang pinakamainit na temperatura sa bansa na umabot sa 39.6 degrees Celsius sa Echague, Isabela. — FRJ, GMA News