ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Tent city,' itinayo ng mahigit 2,000 Pinoy na nagkampo sa labas ng Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagtayo ng tent city sa labas ng Philippine Consulate General sa Jeddah, Saudi Arabia ang mahigit 2,000 undocumented overseas Filipino workers (OFWs) na nangangambang hulihin ng mga awtoridad sa nasabing bansa. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, sinabing nagsimulang dumagsa ang mga Pinoy sa labas ng konsulado matapos magbigay ng taning ang gobyerno ng KSA na ayusin ng mga foreign worker ang kanilang mga dokumento sa loob ng tatlong buwan. Ang direktiba ay ipinalabas umano ng KSA bilang bahagi ng kanilang programa na mabigyan ng prayoridad sa trabaho ang kanilang mga kababayan. Ang mga dayuhan na hindi makakakuha ng dokumentasyon sa kanilang pagtatrabaho sa KSA -- kabilang ang mga OFW - ay idedeklarang iligal ang pananatili doon at maaaring arestuhin. Kaya naman nakikiusap sa pamahalaang Aquino ang mga Pinoy na nakatira ngayon sa tent city na tulungan silang makakuha ng amnestiya sa KSA at makabalik na sa Pilipinas. Kasama umano sa mga Pinoy na naninirahan sa tent city ay mga babae at mga bata na ang iba ay nagkakasakit na. Tiniyak naman ng opisyal ng konsulado ng Pilipinas na nakikipag-ugnayan na sila sa gobyerno ng KSA kaugnay ng nasabing problema ng mga OFW. - FRJImenez, GMA News