ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

GMA Kapuso Foundation, tutulong sa pagpapagawa ng mga nasirang paaralan ni 'Pablo' sa Davao Oriental


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakipagtulungan ang GMA Kapuso Foundation (GMAKF) sa Department of Education (DepEd) para sa isasagawang rehabilitasyon ng may 50 silid-aralan na napinsala ng bagyong "Pablo" sa Davao Oriental.   Kabilang ang Davao Oriental sa mga lalawigan na matinding napinsala ni "Pablo." Partikular sa mga lugar sa lalawigan na sinalanta ng bagyo ay ang munisipalidad ng Banganga, Cateel at Boston.   Dahil dito, nakipagsanib-puwersa ang GMAKF, ang socio-civic arm ng nangungunang broadcast company na GMA Network, sa Department of Education at local government units para sa rehabilitasyon at paggawa ng mga silid-aralan sa ilalim ng Kapuso School Development Project (KSD).    Ang mga paaralan na makikinabang sa proyekto ng Kapuso Foundation ay ang Kinablangan Elementary School at Saoquigue Elementary School sa Banganga; Cateel Central School at Abihod Elementary School sa Cateel; at Boston Elementary School sa Boston.   Nasimulan na ang paggawa ng mga silid-aral sa Kinablangan Elementary School at Cateel Central School, habang nagsagawa naman ng Memorandum of Agreement signing at groundbreaking ceremony para sa Saoquigue Elementary School,  Abihod Elementary School, at Boston Elementary School.   Una rito, nagkaloob ang GMAKF ng mga roofing materials bilang paunang tulong sa mga residente sa Davao Oriental para sa pagkumpuni ng kanilang mga napinsalang bahay. Nagsagawa rin ng mga relief operations at medical missions sa lugar.   “We are targeting the completion of at least 30 classrooms before the start of the school year,” ayon kay  Mel C. Tiangco, Executive Vice President and COO ng GMAKF.   “This is our way of going beyond providing temporary assistance especially in areas where our help is needed the most,” dagdag niya. -- FRJimenez, GMA News