Mga Pinoy sa US, pinag-iingat sa pagpapadala ng balikbayan boxes
Pinag-iingat ng Philippine Embassy ang mga pilipino sa Estados Unidos sa pagpapadala ng balikbayan boxes sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Ayon sa Embahada sa Washington, may 11 forwarding firms ang iniimbestagahan ngayon dahil sa ilang mga problema sa delivery ng mga ipinapadala.
Batay umano ang babala ng Embahada sa advisory ng Department of Trade and Industry (DTI)- Phil. Shippers Bureau, habang nag-iimbestiga ang PSB sa mga reklamong ilang mga bagahe ang hindi naide-deliver.
Ayon sa PSB, ang hindi pag-deliver ng mga balikbayan boxes sa takdang oras ay paglabag sa Administrative Order No.6 ng ahensya.
Kabilang umano sa mga iniimbestigahang kumpanya ang ay Phil. Cargo Forwarder, AAA Cargo Express Inc., ABS-CBN Star Kargo, ACE Cargo, FRS Phil. Services Inc., Pentagon Cargo Inc., REN Intn’l., Star Xpress Forwarders, Aerosend, Shipping Express at South Atlantic Cargo.
Noong Enero, nakatadang kasuhan ng DTI ang may tatlong forwarding firms dahil hindi nai-deliver ang mga padala sa aabot sa 38 na recipients sa bansa.
Hinimok din ang mga consumer na may reklamo sa kanilang balikbayan boxes na sumulat sa dti_psb@yahoo.com o kaya’y tumawag sa (02)7513305. — Ryvalyn Caritativo /LBG, GMA News