ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dagdag na allowance ngayong eleksyon, hirit ng mga guro sa Comelec


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagtungo ang isang grupo ng mga guro nitong Martes sa opisina ng Commission on Elections (Comelec) upang humiling ng dagdag na allowance para sa kanilang magiging tungkulin sa eleksyon. “Ilang araw na lang eleksyon na, wala pa ring sinasabi si chairman (Sixto Brillantes Jr.) kung madadagdagan yung aming compensation. Yung totoo, nabawasan pa. Dating P4,300 ay naging P4,000 na lang,” ani Benjie Valbuena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), habang nagpoprotesta ang kanyang mga kasamahan sa harap ng opisina ng Comelec sa Intramuros, Manila. Ayon sa kanya, hindi ipinaliwanag ni Brillantes kung bakit nabawasan ang tatanggapin nilang kabayaran sa eleksyon. Sa hiwalay na panayam, iginiit ni Brillantes na hindi binawasan ang allowance ng mga guro. “Hindi ko maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng bumaba. Check on it, kung bumaba ibabalik namin. Ang alam ko hindi bumababa,” aniya. Noong 2010, nakatanggap ang mga guro na nagsilbing board of election inspectors ng kabuuang P4,300, kung saan nahahati sa mga sumusunod: P3,000 honoraria; P500 para sa inspeksyon, beripikasyon at pagseselyo ng Book of Voters; P500 para sa Final Testing at Sealing of Machines; P300 para sa "one time transporation allowance." Ngayong 2013, maaasahang makatatanggap ang BEIs ng P4,000 lamang. Kabilang sa halagang ito ang P3,000 honoraria; P500 para sa Final Testing and Sealing of Machines; at ang allowance para sa kanilang transportasyon ay tumaas sa P500. Hindi na isinama sa mga tungkulin ng BEIs ang inspeksyon, beripikasyon at pagseselyo ng Book of Voters. Sumasailalim pa ang Book of Voters sa precautionary protection order ng Korte Suprema, na umuupo bilang Presidential Electoral Tribuno na dumidinig sa election protest ni natalong vice presidential candidate Mar Roxas laban kay Vice President Jejomar Binay. Stress at harassment Ayon kay Valbuena, dahil sa "stress at harassment" na nararanasan ng mga guro habang isinasagawa ang kanilang mga tungkulin tuwing eleksyon ay dapat taasan ng Comelec ang kanilang honoraria sa P6,000 mula P3,000. “Kung dati-rati 100 o 200 na botante, ngayon naging minimum 500 at inaabot pa sa 1,000. Hindi naman automated 'yung maghanap ka ng mga pangalan ng 1,000 botante at 'yung makukulit na botante, 'yung makukulit na watchers. Talagang napakabigat ng tungkulin na kakaharapin ng mga teachers ngayong eleksyon,” aniya. Dagdag niya, dapat umanong protektahan ng Comelec ang mga guro sa halip na pahirapan ang mga ito. “Isa pang malungkot diyan... kaming mga teachers ay dine-deputize ng Comelec, pero pagdating ng kasuhan 'yung Comelec pa mismo lumalabas na complainant and that is ridiculous,” ani Valbuena.   “Kailangan mabigyan kami ng legal assistance lalo na 'yung mga talunang kandidato na mangha-haraass at magrereklamo at teachers ang pinupuruhan ng kanilang reklamo. Hindi man lang kami naipagtatanggol ng Comelec. Wala man lang legal assistance," dagdag niya. Gayunpaman, ayon kay Brillantes, kung ikukumpara sa mga dating eleksyon, ngayon lang nagkaroon ng tatlong legal entities ang BEIs upang mabigyan sila ng legal na tulong. “There is a special team of IBP (Integrated Bar of the Philippines) to be assigned to protect teachers, PAO (Public Assistance Office) through Atty. Persida Acosta has already promised to give lawyers to help them. Lente, (the former group) of Commissioner Luie Guia is also going to assist them. Sobra sobra ang kanilang assistance,” aniya. Naniniwala siyang mabibigyan ng tulong ang lahat ng BEIs sapagkat ang mga grupong ito ay mayroong opisina sa buong bansa. “As far as I know, kausap na namin ang Department of Education, kausap na namin si Secretary Armin Luistro, wala kaming problema sa majority of teachers,” ani Brillantes. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News