PNoy, iniutos na repasuhin ang 'money ban' ng Comelec
Inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Miyerkules ang ilang opisyal ng Gabinete na pag-aralan ang ipinalabas na resolusyon ng Commission on Election (Comelec) na limitahin ang cash withdraw kapag malapit na ang halalan sa Mayo 13. Ayon kay presidential deputy spokesperson Abigail Valte, inatasan ni Aquino sina Justice Sec. Leila de Lima, Trade and Industry Sec. Gregory Domingo, at Finance Sec. Cesar Purisima upang suriin ang mga magiging epekto ng nasabing resolusyon ng Comelec. "We understand perfectly the objective, na ang pinupuntirya ay vote-buying, which is under the mandate of the Comelec, but given the different concerns that have been raised by several groups, these consequences have to be looked into," ani Valte sa isang press briefing sa Malacañang. Tiniyak niya na gagawa ng kaukulang hakbang ang pangulo kapag natapos na ang pag-aaralan na gagawin ng ilang kasapi ng Gabinete tungkol sa usapin. Ang Comelec ay isang independent Constitutional commission. 'Urgent matter' Nitong Martes, inanunsyo ng Comelec na naglabas ito ng resolusyon na nagbabawal sa pag-withdraw ng mahigit P100,000 sa isang araw o ang pagdadala ng cash na nagkakahalaga ng higit P500,000. Layunin nito na maiwasan ang vote-buying sa araw ng eleksyon. Ngunit nagpahayag ng pagtutol ang Bangko Sentral ng Pilipinas na sundin ang resolusyon ng Comelec. Maliban sa isa ring independent body ang BSP, nagpaalala rin ang ahensiya na maaapektuhan ng resolusyon ng Comelec ang operasyon ng negosyo at commercial transactions sa bansa. Unconstitutional? Nagpahayag din ng pagdududa si De Lima sa legalidad ng nasabing resolusyon ng Comelec. "While we concede that Comelec has broad powers especially during election period and that the objective of the subject regulation is laudable, I have reservations about its validity or constitutionality, over all," paliwanag ni De Lima sa panayam nitong Miyerkules. "Precisely due to such over inclusion, the implementation of this resolution may have unintended dire or negative consequences that may far outweigh the benefits," dagdag niya. Walang time frame Gayunpaman, hindi pa makapagbigay si Valte ng takdang panahon kung kailan makapaglalabas ng desisyon ang mga opisyal ng Gabinete sa ibinigay na direktiba ni Aquino. Hindi rin masabi ni Valte kung kinunsulta ng Comelec si Aquino bago ipinalabas ang resolusyon. Nakasaad sa Article IX, Section 2(4) ng 1987 Constitution na ang Comelec ay maaaring, "deputize, with the concurrence of the President, law enforcement agencies and other instrumentalities of the government, including the Armed Forces of the Philippines, for the exclusive purpose of ensuring free, orderly, honest, peaceful and credible elections." - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News