Ang unang pambansang halalan para sa Kongreso noong 1907
Alam niyo ba na aktibo pa rin ang isa sa dalawang pangunahing partido na kinaaniban ng mga politikong lumaban sa kauna-unahang pambansang halalan para sa Kongreso na ginanap noong 1907? Sa tulong ni US Congressman Henry Allen Cooper, pinuno noon ng House Committee on Insular Affairs, naipasa ang batas na lilikha at magbibigay-daan sa mga Filipino na mahalal bilang miyembro ng Kongreso. Makaraang maaprubahan ang Cooper Act o ang Philippine Act of 1902 na nagsaad ng komposisyon ng mga magiging miyembro ng Kongreso; at matapos maisagawa ang census ng mga botante pagsapit ng 1905, itinakda na ni Governor-General Luke Wright ang kauna-unahang halalan sa buong bansa para maghalal ng mga mambabatas noong Hulyo 1907. Sa naturang batas, hindi dapat bababa sa 50, at hindi dapat hihigit sa 100 ang magiging miyembro ng Kongreso na paghahatian ng mga lalawigan. Ang maliit na lalawigan, dapat may isang deligado, habang higit naman sa isang deligado ang maaaring ibigay sa malalaking lalawigan. Dalawang prominenteng partido ang sumali sa naturang eleksiyon kung saan umabot sa 80 puwesto ang pinaglabanan -- ang Partido Nacionalista at Partido Nacional Progresista. Ang Nacionalista ay pinagsanib na puwersa ng Partido Union Nacionalista at Partido Independista Imediatista. Habang ang Progresista ay kinabibilangan ng mga miyembro ng Federalista Party. Umabot sa 31 puwesto napanalunan ng Nacionalista sa nasabing halalan, habang 16 naman sa Progresista, at ang iba ay nakuha ng iba pang partido. Sa ngayon, ang Nacionalista ay kilala bilang NP o Nacionalista Party na pinamumunuan ni Sen. Manny Villar. - FRJimenez, GMA News