Mag-asawang Villafuerte, ipinapadiskwalipika ni Atty. Robredo dahil sa umano'y vote-buying
Naghain ng dalawang disqualification case si Atty. Leni Robredo laban kay Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte at sa asawa nitong si Nelly dahil sa alegasyon ng pamimili ng boto. Unang nagsampa si Robredo, misis ng namayapang si Interior and Local Government Sec. Jesse Robredo, ng disqualification case laban sa mag-asawang Villafuerte sa Prosecutor's Office sa Naga City nitong Huwebes. Sinundan ito ng panibagong kaso na inihain ni Atty. Robredo sa Commission on Elections office sa Camarines Sur nitong Biyernes. Makakalaban ni Robredo sa posisyon bilang kongresista ng third district ng Camarines Sur si Gng. Villafuerte. Samantala, tumatakbong gobernador sa nabanggit na lalawigan si Rep. Villafuerte kung saan makakalaban naman niya ang kanyang apo na si Migz Villafuerte, anak ni outgoing governor na si LRay. Sinikap ng GMA News Online na makuha ang panig ni Rep. Villafuerte pero hindi nito sinasagot ang mga tawag. Ayon sa ilang saksi, nagpapapunta umano ng mga tao sa bahay ng mga Villafuerte sa Naga City kung saan ibinibigay ang pera na nakalagay sa envelope. “May mga taong lumalabas with envelopes na may laman na pera. They get the money and throw the envelope,” pahayag nitong Biyernes sa GMA News Online ni Pancho Alvarez, volunteer ni Robredo. “Sa gabi, may mga jeep na nagbibigay ng libreng sakay papunta sa house nila tapos ‘yung iba siguro kusa na lang pumupunta sa bahay nila [Villafuerte]… dun pa lang, you know some stuff are going on,” dagdag ni Alvarez. Nakatatanggap umano ng hanggang P300 ang mga nagpupunta sa bahay ni Villafuerte, ayon pa kay Alvarez. — FRJ, GMA News