Pacquiao, napasugod sa presinto ng pulis dahil sa pangha-harass ng kalabang kampo
Sumiklab ang tensyon sa Fatima Police Station ng Gen. Santos City ala-una ng madaling araw nitong Linggo nang napasugod si Sarangani Rep. Manny Pacquiao at ang kanyang abugado doon.
Ayon sa ulat ni Jennifer Solis ng dzBB, siyam sa tauhan ni Pacquiao ang nasugatan matapos umano silang batuhin at paputukan ni Brgy. Captain Alfredo Belgica ng San Jose.
Basag ang salamin ng kanilang Starex van at tila may tama pa ng baril.
Nangayari ang insidente pasado alas-8 ng gabi noong Sabado habang papunta ang mga tauhan ni Pacquiao sa Brgy. San Jose upang maghatid ng bigas sa kanilang headquarters.
Kilalang tagasuporta ng partidong Achievers to Integrity Movement (AIM) si kapitan Belgica na katunggaling partido ng People’s Champ Movement (PCM).
Buwelta naman ni kapitan Belgica, namumudmod umano ang grupo ni Pacquiao ng bigas sa kanilang brgy. na isa umanong uri ng vote-buying.
Naging mainit rin ang diskusyon sa pagitan ng isa sa abugado ni Pacquiao at mga opisyal ng Gen. Santos Police Office ng pilit pinapaalis ng abugado ang van nila Pacquiao.
Hindi umano ito dapat isailalim sa kustodiya ng mga awtoridad.
Dahil sa tension, ipinag-utos ni City Dir. Police Supt. Perlin Codilla na dis-armahan ang lahat ng pulis na hindi taga GenSan upang maiwasan ang tensyon.
Dalawa sa mga Sarangani escort ang nadis-armahan.
Wala namang nakitang kahina-hinala sa loob ng van ng isailalim ito sa inventory maliban na lang sa apat na sakong bigas na laman nito.
Para mapawi ang tensyon, nagkasundo ang magkabilang grupo na magsampa na lang ng kaukulang reklamo sa korte. — RC /LBG, GMA News