Unang 6 na nanalong senador, naiproklama na; Heart, dumalo para kay Chiz
Naiproklama na nitong Huwebes ng gabi ng Commission on Elections en banc ang unang anim na senador na nagwagi sa katatapos na halalan. Kabilang sa mga dumalo sa proklamasyon ang aktres na si Heart Evangelista para sa kanyang nobyo na si re-elected Sen. Francis "Chiz" Escudero. Basahin: Chiz: Heart's parents' complaints are baseless Kasama ni Escudero na naiproklama sina dating MTRCB chairperson Grace Poe; re-electionist senators Loren Legarda, at Alan Peter Cayetano; Nancy Binay; at Aurora Rep. Sonny Angara. Gayunman, sa hindi pa malamang dahilan ay hindi dumalo sa proklamasyon si Binay na naging kandidato ng United Nationalists Alliance (UNA). Una rito, naghain ng petisyon sa Comelec ang UNA na ipagpaliban ang proklamasyon ngunit ibinasura ito ng komisyon. Basahin: Comelec junks UNA motion, paves way to proclaim 6 Senate bets Sa pagtanggap ng kanilang sertipikasyon ng pagkapanalo, kasama ni Angara ang kanyang pamilya at ama na si Sen. Edgardo Angara. Ang nanalong misis na si Taguig City Mayor Lani Cayetano naman ang kasama ni Sen. Cayetano. Nilapitan at nag-beso-beso din si Sen. Cayetano kay Sen. Legarda na napaulat na nakairingan niya noong huling bahagi ng kampanya. Nang tawagin at tanggapin na ni Escudero ang kanyang sertipikasyon, tila nasurpresa ang senador nang makita ang paglapit ni Heart na sumama kanya sa pagpapakuha ng larawan. Basahin: Alamin kung kaninong bituin sa showbiz ang nagningning sa balota ngayong Eleksyon 2013 Matatandaan na naging laman ng mga balita noong panahon ng kampanya ang pagtutol ng mga magulang ng aktres sa pakikipagrelasyon kay Escudero. Samantala, dumalo naman sa proklamasyon para kay Poe ang kanyang pamilya at ina na si Susan Roces. Si Poe ang tumanggap ng pinakamaraming boto sa mga kandidatong senador sa ginanap na eleksiyon. -- FRJimenez, GMA News