Mahigit P10 milyong smuggled rice at sasakyan, nasabat sa Davao
Mahigit P10 milyong halaga ng mga smuggled rice at kotse ang nasabat ng Bureau of Customs (BoC) sa pantalan ng Davao, ayon kay Customs Commissioner Ruffy Biazon. Napag-alaman na dumating ang mga container van na may lamang "hot rice" noong nakaraang Marso. Nakapangalan ang mga ito sa tatlong kumpanya na Mactech Industrial Machines & Supply, Berthand Enterprises at All Systems Logistics. Ang mga container van para sa Mactech ay pinalabas na may lamang stone slabs, habang ang nakapangalan sa Berthand Enterprises’ ay pinalabas na cellulose fiber ang karga. Maliban sa dalawang container vans na nakapangakan sa All Systems Logistics na nanggaling sa Vietnam, ang container vans ng Mactech at Berthand Enterprises ay galing sa Singapore. Samantala, ang container van na naglalaman ng tatlong sasakyan na nakapangalan sa Philippine Genesis Freight Unlimited, Inc., ay nanggaling naman sa Korea. Sinabi ni Biazon na patuloy ang imbestigasyon para malaman kung sino ang tunay na may-ari ng mga kargamento. - FRJ, GMA News