354 na paaralan, pinayagang magtaas ng matrikula
Aabot sa 354 na kolehiyo at universidad ang pinayagn ng Commission on Higher Education na magtaas ng tuition ngayong pasukan.
Sa isang pahayag, sinabi ng CHED na tanging 21 porsyento lamang ng 1,683 na pribadong higher education institutions (HEIs) ang pinayagan ng ahensiya.
"The average tuition... increase per unit for school year 2013-2014 is P37.45 or 8.5 percent nationwide. This is the lowest percentage increase in the past 10 years," ayon sa CHED.
Dagdag pa ng ahensya, ang ilang school fees umano sa buong bansa ay tumaas ng P194.62 o 7.58 percent.
Ayon sa CHED, ang Metro Manila ang may pinakamalaking pagtaas sa matrikula sa halagang P64.04 o 6.79 porsyento, at sinundan ng Region IV-A na tumaas ng P48.81 o 7.86 porsyento, at Gitnang Luzon na nagtaas ng P44.48 o 8.86 porsyento.
Ang pinakamalaking pagtaas ay sa Cagayan Valley sa halagang P31.26 o 12.25 porsyento, Bicol sa P44.77 o 11.83 porsyento, at Ilocos sa P34.10 o 11.12 porsyento.
Ayon pa sa CHED, 451 umano na paaralan o 27 porsyento ng 1,683 na HEIs ang nag-apply ng pagtataas ngunit sa 413th Regular Commission En Banc Meeting, tanging 354 lamang ang pinayagan nito. — JGV /LBG, GMA News