Sino ang dapat sisihin sa pagbasura ni PNoy sa mga ipinasang panukalang batas ng Kongreso?
Hindi biro ang panahon na ginugugol ng mga mambabatas sa pagtalakay ng mga panukalang batas na kanilang pinagtitibay. Pero kamakailan lang, inihayag ng pinuno ng Presidential Legislative Liaison Office na mahigit 55 panukalang batas ang na-veto o ibinasura ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay Secretary Manuel Mamba, pinuno ng ng PLLO, marami sa mga ibinasurang panukalang batas ni Aquino ay mga local bills o local application na may kaugnay sa pag-convert o gawing bahagi ng national road ang ilang local roads.
Ang PLLO ang ahensiya ng pamahalaan na nagsisilbing tulay ng Malacanang para makipag-ugnayan sa Kongreso (Senado at Kamara de Representantes) tungkol sa mga nirerepasong panukalang batas.
Hindi biro ang ginagawang pagtalakay sa ipinapasang panukalang batas dahil pinaglalaanan ito ng panahon at ginagastusan sa sandaling isalang sa deliberasyon sa committee level hanggang sa maipasa sa plenaryo.
Subalit mawawalan ng saysay ang lahat ng ito kung hindi naman pipirmahan ng pangulo ang panukalang batas upang ganap na maging batas.
Ayon kay Mamba, nagbibigay ng abiso ang kanyang ahensiya sa kinauukulang mambabatas kapag kinakitaan ng butas ang nirerepasong panukalang batas at posibilidad na hindi ito pirmahan ng pangulo dahil hindi papasa sa pamantayan.
Sa kaso ng ibinasurang mga local bills tungkol sa pag-convert ng mga kalsada, sinabi ni Mamba na inabisuhan din nila ang mambabatas na nakatuon dito pero hindi naman nakinig.
Idinahilan umano ng mambabatas na naipangako na ito sa kanilang mga lokal na lider. Posibleng inakala umano ng mambabatas na dahil local bills lang ang mga ito ay hahayaan lang ni Aquino hanggang sa awtomatikong maging batas.
Ngunit bukod sa mga lokal bills, ilang national bills din ang ibinasura ni Aquino -- kabilang dito ang panukalang batas na Centenarian Act na nagkakaloob ng dagdag na insentibo sa mga nakatatanda; ang Rights of Internally Displaced Persons Act para sa mga local refugee; ang Magna Carta of the Poor; at ang panukalang batas na alisin ang height requirement sa mga nais maging kasapi ng Philippine National Police, the Bureau of Fire Protection and the Bureau of Jail Management and Penology.
Ang nabanggit na mga panukalang batas ay kinakitaan din ng butas katulad ng kawalan ng sapat na pondo para maipatupad, o kaya naman sapawan ng kapangyarihan ng ilang ahensiya na nakapaloob sa panukalang batas.
Sinabi ni Mamba na masusing pinag-aaralan ni Aquino ang mga pinipirmahang batas dahil nais niyang matiyak na maipapatupad ang mga ito at hindi mapapasama sa mga batas na naipasa noon na hindi naman naipatupad.
Noong 2011, iniulat sa Kongreso ng Department of Budget and Management na kakailanganin ng pamahalaan ng P187.1 bilyon upang maipatupad ang 184 batas na ipinasa ng Kongreso magmula noong 1991.
Sa usapin ng Centenarian Act, nagsisisihan ang ilang pangunahing may-akda ng panukalang batas dahil sa umano'y mga isiningit na probisyon na hindi naman makatotohanan kaya ibinasura ni Aquino.
Partikular dito ang probisyon na nagkakaloob ng diskuwento sa mga nakatatanda nating kababayan ng hanggang 75 porsiyento sa bilihin at mga serbisyo na makakaapekto naman sa kita ng mga establisimyento.
May mga puna rin na ipinapasa ng mga mambabatas ang panukalang batas kahit hindi pasasa sa pamantayan dahil lamang sa kagustuhang makakuha ng "pogi points" sa sektor na inaasahang makikinabang sa panukalang batas.
Ngunit ayon Mamba, matikuloso ang pangulo sa paghimay sa panukalang batas bago nito pirmahan. Kapag hindi pumasa sa pagsusuri ng mga tagapayo at pamantayan, hindi niya ito pipirmahan at gagamitin ang kanyang kapangyarihan na i-veto ang ipinasang panukala ng Kongreso.
Dahil sa mga pag-veto na ito ni Aquino, nagpahayag ng pagnanais si Speaker Feliciano Belmonte at ilang mambabatas na magkaroon ng mas mahusay na koordinasyon ang Kongreso at Malacanang sa mga tinatalakay na panukalang batas.
Inamin din ni Mamba na inatasan siya ng pangulo na gumawa ng paraan upang hindi niya gamitin ang "veto" power at tiyakin na naaayon sa pamantayan ang mga panukalang batas na ipinapasa ng Kongreso na dapat niyang pirmahan upang ganap na maging batas.
Samantala, mayroon din namang mambabatas na ang PLLO ang sinisisi na dapat umanong kumilos upang magbigay ng abiso sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa nirerepasong panukalang batas para masigurong papasa ito sa pamantayan ng pamahalaan. -- FRJimenez, GMA News