Araw ng Kasarinlan sa Miyerkules, magiging maulan
Mas mainam na magdala ng payong ang mga makikilahok sa selebrasyon ng Independence Day o Araw ng Kasarinlan sa Miyerkules, ayon sa state weather forecasters nitong Martes ng hapon. Sa isang special weather forecast para sa Independence Day, sinabi ng PAGASA na ang southwest monsoon ay magdadala ng ulan partikular sa timog Luzon at sa Visayas. "Bicol region, MIMAROPA and Visayas will experience cloudy skies with scattered light to moderate rains and thunderstorms," babala ng PAGASA. Ang Metro Manila naman at ibang bahagi ng bansa ay magiging "partly cloudy to cloudy with isolated thunderstorms mostly in the afternoon or evening." Ikinukunsiderang regular holiday ang Araw ng Kasarinlan. Nakatakdang pangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Independence Day rites sa Liwasang Bonifacio sa Miyerkules. Samantala, magbibigay naman ng libreng sakay ang Light Rail Transit at Metro Rail Transit mula alas-7 hanggang alas-9 ng umaga at alas-5 hanggang alas-7 ng gabi. Wala naman munang number coding scheme sa Metro Manila sa Miyerkules, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority. -- JGV/FRJ, GMA News