Limang kolehiyo ng Pilipinas, pasok sa top 300 universities sa Asya
Limang universidad ng Pilipinas ang nakapasok sa listahan ng Asia’s top 300 educational institutions, ayon sa education network na Quacquarelli Symmonds.
Ang limang unibersidad na nakapasok sa nasabing listahan ay ang University of the Philippines, Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, De La Salle University at University of Southeastern Philippines.
Ang QS University Rankings: Asia 2013 ay nagtatala ng mga paaralan batay sa siyam na indicators: academic reputation, employer reputation, faculty/student, citations per paper, international faculty, international students, papers per faculty, inbound exchange, at outbound exchange.
Pumasok ang UP Diliman sa ranggong ika-67, samantalang nasa ika-109 puwesto naman ang ADMU, at ika-150 ang UST.
Samantala, pasok sa loob ng ika-151 hanggang ika-160 na puwesto ang DLSU Manila at nasa loob naman ng ika-251 at ika-300 naman ang University of Southeastern Philippines sa Davao City.
Sa nasabing listahan, tanging ang UP Diliman lang ang tumaas ang puwesto.
Hindi naman nagbago ang ranking ng USEP, habang bumaba naman ang ranggo ng iba unibersidad kumpara noong nakaraang taon.
Noong 2012, nasa pang-88 ang ADMU at ika-142 naman ang DLSU.
Ang Hong Kong University of Science and Technology ang nanguna sa listahan ng mga unibersidad sa Asya, pungalawa ang National University of Singapore at University of Hong Kong.
Pasok din sa Top 5 ang Seoul National University of South Korea at Peking University of China.
Noong Mayo, ang UP Diliman, ADMU and DLSU ay napasama sa listahan ng mga pinakamahusay na unibersidad sa buong mundo pagdating sa mga piling subjects o asignatura. - JGV/FRJ, GMA News