Kahirapan, iresponsableng mga magulang, dahilan umano ng paglala ng child labor sa bansa
Naniniwala ang ilang lider ng Simbahang Katoliko na kahirapan at iresponsableng mga magulang ang pangunahing dahilan kaya dumadami ang mga batang napapasabak sa maagang pagbabanat ng buto. Ayon kay Diocese of Borongan Bishop Crispin Varquez, maraming magulang ang tamad magtrabaho at may mga bisyo kaya napipilitan ang kanilang mga anak kahit bata pa na gampanan ang responsibilidad ng mga nakatatanda. Bukod dito, idinagdag ng obispo na mayroon ding pagkakataon na kapos ang kita ng mga magulang kaya tumutulong na rin ang mga anak gaya ng pagsama sa mga pangisdaan o taniman. "Dalawa po ang dahilan kung bakit napipilitan ang bata na magtrabaho. Una, ang mga parents ay really irresponsible. Kaya ang mga bata ay nagsikap na mabuhay ang pamilya, aya tumutulong sila. Pangalawa, hindi enough ang income ng mga parents kaya ang mga bata tinutulungan nila ang kanilang mga magulang, kaya ang iba ay hindi nag-aaral," paliwanag ni Varquez sa panayam ng Radio Veritas. “Poverty and irresponsibility ng ibang parents kaya ang mga bata ay nagtatrabaho,” pagdiin ng obispo. Sa isinagawang pag-aaral ng National Statistics Office (NSO) sa 2011 Survey on Children (SOC), lumitaw na nasa 5.492 milyon ang mga kabataan na nasa edad lima hanggang 17 ang nagtatrabaho sa bansa. Ang naturang bilang ng child labor ay kumakatawan umano sa 18.9 porsiyento ng mga kabataang Pinoy na nasa edad lima hanggang 17. Sa nasabing edad, 29.6 percent o tatlo sa bawat 10 kabataan na ito ay nagtatrabaho sa Northern Mindanao. Habang isa naman sa bawat 10 ang sitwayon sa National Capital Region at Autonomous Region in Muslim Mindanao. Idinagdag sa pag-aaral na sa bawat 10 sa child labor, anim dito ang lalaki at apat ang babae. Ayon kay Varquez, malaki rin ang pagkukulang ng pamahalaan sa pagdami ng child labor dahil sa kabiguan nilang maihanap ang tulong sa mga naghihirap, nagugutom at nagkakasakit. Inihayag naman ni Fr. Conegundo Garganta, executive secretrary ng CBCP-Episcopal Commission on Youth, na sintomas ng lumalalang kahirapan sa bansa ang tumataas na bilang ng child labor. Aniya, dahil nakikita at nararanasan ng mga bata ang kahirapan, mapipilitan na silang magtrabaho sa halip na naglalaro at nag-aaral. Dahil dito, nanawagan si Garganta sa pamahalaan na gumawa ng mga epektibong solusyon sa naturang problema at hindi na lumala ang child labor sa bansa. Pinuna rin niya ang pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III, na umaangat ang ekonomiya ng bansa sakabila ng patuloy na paglaganap umano ng kahirapan. “Malaking kabalintunaan ang pahayag na ito ng ating pamahalaan na gumaganda o umaangat ang kalagayan ng ekonomiya sa bansa pero may mga bagay naman na nasasakripisyo lalo na ang mga kabataan,” ayon kay Garganta. -- MP/FRJ, GMA News