ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspek sa pagnanakaw sa isang bahay sa Iloilo, nabistong natatago sa ilalim ng lababo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nadakip ang Isang lalaki na nanloob umano sa isang bahay sa Jaro, Iloilo matapos siyang madiskubre na nagtatago sa ilalim ng lababo sa bahay ng kapitbahay na kanilang pinasok nitong Martes. Sa ulat ni Mark Muneza ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabing tumawag ng pulis ang pamilya Mistrante sa Jaro, Iloilo nang marinig nila ang mga kaluskos sa kanilang bahay dakong 1:00 a.m. nitong Martes. Ngunit walang nakitang suspek sa bahay ng mga Mistrante nang maghanap ang mga pulis. Pero hindi nagtagal, nakarinig ng sigawan mula sa kalapit na bahay ng biktima. Nang sumugod ang mga pulis, nakita nila ang hinihinalang magnanakaw na duguan ang katawan. Ayon sa isang residente, nakita ang suspek na nagtatago sa ilalim ng lababo at armado ng patalim. Naagaw umano ang patalim at nasaksak ang suspek. Nang madakip na ang suspek, isa pang kaguluhan ang narinig sa isa pang kalapit na bahay. Muling sumugod ang mga pulis pero hindi na nila naabutan ang isa pang suspek.  Isang menor de edad na lalaki rin na nakitang tumatakbo sa lugar ang inimbitahan ng mga pulis para kuwestiyunin sa nangyaring nakawan. -- FRJ, GMA News