Suspek sa panghahalay sa 1 dalaga sa bangketa sa Maynila, nahuli na; 1 pa sanang biktima, nakaligtas
Nadakip na nitong Martes ng gabi ang suspek sa panghahalay sa isang babae sa bangketa sa Maynila na nakunan sa closed-circuit television (CCTV) camera noong nakaraang linggo. Sa ulat ng GMA news Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing nadakip ang suspek na si Mac Molina, 23-anyos, matapos na muling mang-atake ng babae na nakunan muli sa CCTV. Ngunit sa pagkakataong ito, nagawang nakatakas ng magiging biktima sana ni Molina. Ayon sa babae, pilit siyang hinahatak ng suspek papasok sa loob ng nakaparadang jeepney pero nagpumiglas siya hanggang sa makatakas. Sa tulong ng iba pang kuha ng CCTV kay Molina, tuluyang siyang nakilala at nadakip. Idinagdag sa ulat na positibong kinilala ng unang biktima si Molina. Itinanggi naman ni Molina na siya ang gumahasa sa unang biktima, pero inamin niya ang pag-atake sa ikalawang babae. Iginiit niya na pumapasada siya ng tricycle nang mangyari ang panghahalay sa unang biktima sa Abad Santos Ave. Inamin naman ng suspek na gumagamit siya ng marijuana. -- FRJ, GMA News