Karagdagang proteksyon ng kababaihan vs social media harassment, isusulong sa Senado
Isusulong sa Senado ang panukalang karagdagang proteksyon sa kababaihan at kabataan laban sa mga "karahasan" o bullying sa social media.
Inihain ni Sen. Ma. Lourdes Nancy Binay noong ika-1 ng Hulyo, sa kaniyang unang araw sa Senado, ang Electronic Violence Against Women (E-VAW) Law of 2013, isa sa panukalang-batas na umano'y malapit sa kanyang puso.
Aniya, karamihan sa mga kaso ng bullying, cyber-stalking at iba pang uri ng harassment sa internet ay kagagawan ng taong malalapit sa biktima; kamag-anak, dating asawa/partner or ex-boyfriend/girlfriend.
“Mas masakit sa mga biktima kung kakilala nila ang gumagawa ng mga panliligalig sa kanila kesa sa estranghero na hindi nila kilala,” giit ni Binay sa isang panayam matapos ang dalawang oras na orientation sa Senado para sa mga bagitong senador noong Miyerkules.
Pero nilinaw ng bagitong senadora na hindi layunin ng nasabing panukala na buweltahan ang mga taong nanlait sa kaniya noong panahon ng kampanya.
“I don’t have any personal relationship with Vice Ganda, so this is not about me," pabirong pahayag ng lady solon na biktima mismo ng cyber-bullying sa networking sites hindi lamang ng sikat na komedyanteng TV-host.
Matatandaang kinukwestyon hindi lamang ang kaniyang kulay kundi maging ang kakayahan na makipagdebate o makipagbalitaktakan sa plenaryo ng Senado sa iba’t-ibang isyu.
Bagama’t may umiiral ng batas sa Violence against Women and Children Act of 2004, hindi naisama dito ang cyber-bullying.
“So yung bill na ipinanukala mo ko ngayon ay idinadagdag itong form of violence through new technology. Unang-una, this bill is not about what I have experienced during the campaign. Kasi kasama sa bill na ito, ang pwede mag-qualify dito ay kinakailangang may personal relationship yung nagko-commit ng crime,” diin pa ni Binay.
May parusang multa mula P300,000 subali’t hindi lalagpas sa P500,000, depende sa epekto ng bullying sa biktima.
“The bill also provides a protection order to prevent further harm and distress to any woman and her child,” wika pa ng lady solon. — Linda Bohol /LBG, GMA News