PNP: Mga pawnshop na tatanggap ng isasanglang bagong baril ng mga pulis, ipasasara
Binalaan ng pamunuan ng Philippine National Police ang mga may-ari ng sanglaan o pawnshop na makakasuhan at ipasasara umano kapag tumanggap ng mga bagong isyung Glock 17 pistols na isasangla ng ilang tiwaling pulis.
Ayon sa ulat ni Tuesday Niu ng dzBB, aminado si PNP Chief Dir. Gen. Alan Purisima na may ilang tiwaling pulis na nagsasangala ng kanilang service fire arms kapag kinakapos sa pera.
May ilan na aniyang ganitong insidente na kinasasangkutan ng ilang miyembro ng pulisya na kapag nagigipit umano sa pera at wala nang ibang pwedeng ibenta, ang kanilang baril ang napagdidiskitahan.
Dahil dito, sinabi ni Purisima na inatasan na niya ang lahat ng police commanders na pulungin ang lahat ng may-ari ng mga sanglaan sa kani-kanilang nasasakupan para ipaalam ang posibleng kaharaping pananagutan kapag nahuling tumanggap ng isinanglang bagong baril ng pulis.
Paalala ni Purisima na pag-aari ng gobyerno ang mga service fire arms batay na rin sa naka-engrave sa bawat isang baril kaya hindi umano ito dapat na isinasangla at hindi rin umano dapat tanggapin sa sanglaan.
Pagkasibak naman sa pwesto ang katumbas na parusa ng sinumang pulis na mahuhuling magsasangla ng kanyang baril.
Matatandaang noong Martes, pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino ang pamimigay ng ilan sa 74,879 units ng mamahaling Glock 17 pistols sa mga pulis sa isang seremonya sa Camp Crame. — RC /LBG, GMA News