Buhawi, nanalasa na naman sa Cebu; 19 na pamilya sa Dumanjug, naapektuhan
Isang buhawi ang nanalasa sa apat na barangay sa Dumanjug, Cebu na sumira sa ilang bahay at nagpatumba sa maraming puno. Sa ulat ni Randy Gullon ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, ipinakita ang kuhang video ng Youscooper na si Kenneth Cardenas habang nanalasa ang buhawi noong Martes. Ayon kay Cardenas, sinabayan ng malakas na hangin ang malakas na buhos ng ulan. Nakita pa niya kung papaano liparin ng hangin ang isang puno. Nang humupa ang hangin, tumambad sa mga residente ang pinsala ng buhawi. Ilang puno ang natumba, ilang bahay ang nawasak, at maging ang mga bahay na gawa sa semento ay napinsala rin. Isa si Mang Marcelo sa nawalan ng tirahan matapos mabagsakan ng puno ang kanyang bahay. Ayon sa lokal na pamahalaan, aabot sa 19 na pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng buhawi. Nitong nakaraang buwan, nasa 36 na bahay ang napinsala sa pananalasa rin ng buhawi sa Minglanilla, Cebu. Maging ang anim na barangay sa bayan ng Calinog sa lalawigan ng Iloilo ay nakaranas din ng pamiminsala ng malakas na hangin noong nakaraang buwan. Dahil sa malakas na hangin, bumagsak ang isang hanging bridge na nagdudugtong sa dalawang barangay. -- FRJ, GMA News