ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagpapa-upa o pagbebenta sa relocation houses, babantayan ng NHA


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mahigpit umanong babantayan ng National Housing Authority ang mga mabibigyan ng mga relocation house dahil talamak ang pagbebenta o pagpapa-upa sa mga bahay na ipinamamahagi ng gobyerno sa mga informal settlers ng Metro Manila. Sa isang ulat sa  GMA News program na "State of the Nation" noong Biyernes, sinabi ni Ariel Pacheco, project architect sa relocation site na Balagtas Heights sa Balagtas, Bulacan: “Nilalagay ka sa magandang lugar tapos instead na i-appreciate mo ‘yun, ibebenta mo.... So, parang ninenegosyo [ang government housing project]."   Panandalian lamang umanong tumitira ang mga beneficiary sa mga ipinagkakaloob na bahay at bumabalik din sila sa Metro Manila at makipagsiksikan na naman sa slum areas, ayon sa ulat ni Jun Veneracion. Umaabot sa P1,000 hanggang P1,500 ang renta buwan-buwan sa mga relocation house, samantalang mula P15,00 hanggang P30,000 naman ang halaga kung ibebenta ang bawat bahay sa relocation site.   Bago magtapos ang taong kasalukuyan, ayon kay Vice President Jejomar Binay, magkakaroon ng kani-kanilang sariling bahay ang 8,100 pamilya ng illegal settlers na naninirahan sa mga gilid ng ilog sa Metro Manila. Matatagpuan umano ang mga relocation sites sa mga bayan ng Balagtas, Bocaue, at San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan at sa bayan ng Trece Martirez sa Cavite. May ilan ding housing project na matatagpuan sa Metro Manila:

•   Smokey Mountain Development Project •   Tala 2 Medium Rise Building and Camarin housing projects in Caloocan City •   Pleasant Hills in San Jose del Monte, Bulacan •   Gulayan and Tanglaw in Navotas •   Metropolitan Manila Development Authority Depot in Pasig City •   National Government Center housing project in Quezon City •   Disiplina Village 2 in Valenzuela City •   Navotas Housing Project
Field trip sa relocation site Noong Biyernes, pinangunahan ng Department of Interior and Local Government ang isang field trip sa Balagtas Heights sa Bulacan, isa sa mga relocation site, kasama ang ilang illegal settlers na nakatakdang tumanggap ng mga bahay. Marami sa mga sumama sa field trip namangha umano at nagulat sa ganda ng mga bahay na tumambad sa kanila. “Ngayon lang kami makakatira sa ganyan na bahay,” ani Lourdes Moran, 55, na tumutuloy ngayon sa ilalim ng Delpan Bridge sa Maynila. “Masaya po. Masayang naiiyak kasi po mula nung maliit pa lang kami barong-barong na ang tinitirhan namin,” sabi niya habang pinapahid ang luha sa kanyang pisngi. Ngunit, tila may ilan ding hindi natuwa sa relocation housing. “Ang tanong ko lang, hindi sa tinitira ko ang gobyerno, bakit puro [liblib] ang pinaglalagyan ng urban poor?” sabi ng isa sa mga kasama sa field trip. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News