Principal, nagpaliwanag sa malalim na hukay na ginagawa sa loob ng silid-aralan sa Davao del Sur
Isang silid-aralan sa Silawilan Elementary School sa Matan-ao, Davao del Sur ang ipinahuhukay ng mismong punong-guro ng paaralan. Sa exclusive report ni Rose Bernales ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing ang naturang hukay na umaabot na sa tinatayang 15 hanggang 20 talampakan ang lalim ay hinihinalang para sa treasure hunting. Ayon sa isang lalaking nagrereklamo na humiling huwag banggitin ang pangalan, iligal ang paghuhukay para sa treasure hunting dahil government property ang eskwelahan. Nangangamba rin umano ang mga magulang ng mga estudyante sa kaligtasan ng mga bata na baka maaksidente sa ginagawang paghuhukay. Pero paliwanag ng punong-guro na si Rosita Mabaya, hindi treasure hunting kundi para sa poso ang ginagawang paghuhukay. Ginawa naman ang paghuhukay sa loob ng silid-aralan dahil sa impormasyon na dati nang may poso sa lugar bago naitayo ang silid. Ipinagtanggol din ng ilang guro ang paghuhukay at ipinakita ang ilang gamit sa paggawa ng poso. Ayon sa guro na si Venancio Lumen, nasira noong nakaraang buwan ang pinagkukunan nila ng tubig dahil sa naganap na pagbaha. Pinawi rin nila ang pangamba ng mga magulang sa kaligtasan ng mga bata dahil lagi umanong nakasara ang silid-aralan na pinaghuhukayan. Inaalam na ng lokal na pamahalaan kung dumaan sa tamang proseso ang ginagawang paghuhukay. -- FRJ, GMA News