Ang ikatlong Pinoy na posibleng maging santo
Matapos nina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod, isang paring Pinoy ang posibleng maging ikatlong santo na anak ng dating alkalde ng Maynila. Nakatakdang i-beatified o ideklarang beato ng Vatican sa darating Oktubre 12 ang Franciscan Capuchin na si Father Jose Maria de Manila o Eugenio Saz-Orozco. Si Fr. Jose Maria ay anak nina Doña Feliza Mortera y Camacho at Don Eugenio Saz-Orozco, na naging alkalde noon ng Maynila. Isinilang si Fr. Jose Maria sa Maynila noong September 5, 1880, at nakapag-aral sa Ateneo de Manila University, San Juan de Letran at University of Sto Tomas bago nagtungo sa Spain para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Taong 1910 naman nang ma-ordinahan siya bilang pari sa Lecaroz (Navarra, Spain). Ngunit nang tumindi ang religious persecution sa nasabing bansa noong 1930s, kabilang si Fr. Jose Maria sa may 500 martir na pinatay sa hardin ng Cuartel de la Montaña sa Madrid noong Agosto 1936. -- FRJ, GMA News