ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Intel agent ng PNP, nagpanggap na tauhan ng CHR sa burol ng lider ng Ozamiz gang, nahuli ng NBI


Dinakip  ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang tauhan ng intelligence unit ng Philippine National Police (PNP) matapos na magpanggap na tauhan siya ng Commission on Human Rights (CHR) nang magpunta sa burol ng umano'y lider ng Ozamiz robbery group sa Muntinlupa City.   Sa ulat ng dzBB radio nitong Sabado, sinabing nagtatanong umano ang intelligence agent na si PO3 Richard Ebrada, sa mga tao sa burol tungkol sa "personal information" tungkol sa napaslang na gang leader na si Ricky Cadavero.   Nakuha umano kay Ebrada ang ID na nagpapatunay na tauhan ito ng intelligence unit ng PNP, at isang 9-mm pistol. Basahin: PNP chief: Ozamiz probe may lead to overhaul of Calabarzon police units   "Nagpapakilala siya taga-CHR pero intelligence officer siya ng PNP. It turned out later pulis pala siya," ayon kay Rizaldy Rivera ng NBI.   Sa hiwalay na ulat ng GMA news 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ni Rivera na inamin umano ni Ebrada na nais nitong makuha ang telepono ng kapatid ni Cadavero para malaman kung sino ang mga pulis na sangkot sa napaslang na umano'y lider ng Ozamiz group.   Idinagdag pa sa ulat na idinahilan umano ng pulis na sinusunod lang nito utos ng kanyang pinuno sa intelligence unit na si Superintendent Abelardo Villacorta.   Sa kabila ng paliwanag, inihayag ni Rivera na itutuloy pa rin nila ang pagsasampa ng kaso laban sa pulis. Tutulong din umano sa pagsasampa ng kaso ang CHR. -- FRJ, GMA News

Tags: ozamizgang,