ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Customs Commissioner Ruffy Biazon, dapat bang magbitiw?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kasunod ng pagkastigong ginawa ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa Bureau of Customs (BOC), dapat na nga bang magbitiw ang pinuno ng ahensiya na si Commissioner Ruffy Biazon kahit hindi naman siya ang direktang binatikos ng pangulo? Sa State of the Nation Address (SONA) ni Aquino nitong Lunes, ilang ahensiya at personalidad ang pinuri at pinuna sa halos dalawang oras na talumpati nito. Pero napabilang ang BOC na pinamumunuan ni Biazon sa mga nabatikos ng pangulo dahil sa usapin ng korupsiyon.  Basahin ang buong talumpati ni PNoy sa SONA:  sa Filipino / sa English Pagkatapos ng SONA, ipinaalam ni Biazon sa pamamagitan ng social networking site na Facebook, na naghain na kaagad siya ng pagbibitiw bilang lider ng ahensiya pero hindi umano iyon tinanggap ng pangulo. Ayon kay Biazon, ang kanyang pagbibitiw ay bunga ng delicadeza at tinatawag na "command responsibility." Hindi man siya ang direktang binatikos ng pangulo, pananagutan pa rin niya bilang pinuno ng ahensiya kung hindi matigil-tigil ang matagal ng katiwalian sa BOC. Sa panayam ng News To Go sa GMA News TV nitong Martes, sinabi ng opisyal na mahalaga sa kanya na malaman na mayroon pa ring kumpiyansa sa kanya ang taong nagtalaga sa kanya sa nabanggit na puwesto -- ang pangulo. "Bilang isang hepe o namumuno ng ahensya, siyempre yung principal command responsibility ang ating tinitingnan dito. Ang ating pananatili sa puwesto, ang batayan lamang niyan ay ang kumpiyansa ng pangulo dahil ako ay isang presidential appointee. Kaya direkta po, agad-agad, within minutes, ilang minuto matapos ang kanyang SONA ay nagpadala ako kaagad ng isang mensahe direkta sa kanya, sa pinakamabilis na paraan ang pag-o-offer ko ng resignation," paliwanag ni Biazon.   Patuloy niya, ilang minuto matapos niyang naipadala ang kanyang mensahe ng pagbibitiw ay sumagot din kaagad si Aquino. "Sumagot naman siya, direkta rin ang reply niya sa akin at sinabi niya, in his words, to quote ‘yung words niya, “you and I know the difficulties of doing reform in your agency. My confidence in you remains the same,” kuwento ni Biazon. Sa kabila nito, may ilang nagkomento sa ginawang pagbibitiw ni Biazon na mas makabubuti kung "irrevocable" o tuluyan na ang kanyang pagbibitiw sa halip sa humingi pa ng pagtanggap ng pangulo. Mayroon din namang nagmungkahi kay Biazon na huwag magbitiw dahil magmimistulang sumuko ito sa laban ng katiwalian kapag basta na lamang iniwan ang ahensiya.   Pag-amin ni Biazon, may nakapagsabi na sa kanya na kabilang ang BOC sa mga pupunahin ni Aquino sa SONA. Pero umasa rin siya na mababanggit sa talumpati ng pangulo na mabigyan ng pansin ng Kongreso ang isinusulong niyang Customs Modernization bill na inaasahan niyang makatutulong para mabawasan ang katiwalian sa ahensiya.  Pero walang nabanggit ang pangulo sa SONA tungkol sa naturang panukalang batas. "Para sa akin positive o negative, basta nabanggit sa SONA, makakamit na rin natin ang objective. Kasi ang ibig sabihin nito, nasa priority ng pangulo ang hakbang na gagawin sa customs at mas mainam din nga na sa harap mismo ng Kongreso -- ang pahayag ng pangulo, sa harap ng taumbayan, para maunawaan din kung anong mga measure ang gagawin dito sa bureau para maisakatuparan ang ganoong klaseng repormang nais niyang mangyari," ayon kay Biazon. Sa hiwalay na ulat ng dzBB radio nitong Martes, inamin din ni Biazon na nakadama siya ng hiya nang punahin ni Aquino ang SONA kahit hindi naman siya ang direktang inatake sa talumpati nito. Umaasa na lamang siya na maging ang iba pa niyang kasamahan sa BOC ay nakaramdam din ng hiya upang kumilos para sa ikabubuti ng pamamalakad at trabaho ng ahensiya. Basahin: How do you fix the Bureau of Customs? Start from scratch, says Biazon Sa ulat ng News To Go, muling ipinaalala ni Biazon ang isa sa mga drastikong hakbang na kailangang gawin para mapatino ang BOC ay buwagin ang customs at simulan "from the scratch" gaya ng ginawa umano sa ibang bansa. "Isang drastic measure 'yon. Ako mismo nagsabi noong Abril na isa sa mga option na pag-aralan 'yon. Actually may mga bumatikos sa statement ko na iyon kaya yung pagbatikos ng Pangulo sa Bureau of Customs, may pinanggagalingan," aniya. Nang tanungin kung mananatili pa rin siya sa BOC matapos na malaman na nananatili ang tiwala sa kanya ni Aquino, tugon ni Biazon: "Kung nandiyan pa ang kumpiyansa ng pangulo, mananatili tayo. Pero ang sa akin naman, pinag-iisipan ko rin, if this is all worth it kasi ang nangyayari, ang palaging nagiging ‘sacrificial lamb’ is the commissioner himself. "Although sabi nga, command responsibility, although kung titingnan po natin ang kasaysayan, nagpapalit-palit na tayo ng commissioner ilang beses sa totoo lang, kung titingnan niyo ang history ng bureau, mabilis ang turnover ng commissioner pero yung tinatawag na kalakaran naririyan pa rin, pasa-pasa lang din.   "Hanggang kailan natin hahayaan na yung ganyang klase ng kalakaran ay magpatuloy? Kasi ang naiisip nga lang natin, matanggal lang ang commissioner, okay na. Kasi nakakaligtas yung makakapal ang mukha na nanatili sa puwesto nang matagal. So, siguro yung repormang kailangan talaga malawakan na tingnan natin ang responsibilidad hindi lamang ang commissioner hanggang down the line talaga at ‘yon ang mensahe ng pangulo kahapon," paliwanag niya. -- FRJimenez, GMA News

Tags: talakayan