ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mahigit 250 sako ng bigas na nakumpiska, nawala sa bodega ng BOC sa Cebu


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa harap ng pagpuna ni Pangulong Benigno Aquino III sa umano'y talamak na katiwalian sa Bureau of Customs, napag-alaman naman na nagsasagawa ng imbestigasyon ngayon ang ahensiya matapos madiskubre na nawawala ang mahigit 250 sako ng smuggled rice na nakumpiska sa Cebu.   Sa ulat ni Allan Domingo ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing ang kabuuang 256 sako ng bigas na nawawala ay bahagi ng libu-libong smuggled rice na nakalagay sa mga container van na nakumpiska ng BOC-Cebu noong nakaraang Marso at Abril.   Ang mga nakumpiskang bigas ay nakaimbak sa Cebu International Port.  Pero matapos ang isinagawang imbentaryo nitong Lunes, natuklasan na sinira ang selyo o binuksan ang siyam na container van.   Basahin: Customs Commissioner Ruffy Biazon, dapat bang magbitiw? Sa pagsusuri, sinabi ni Francis Agustin Erpe, Deputy Collector for Operation, Cebu-BOC, na nawawala na ang 256 sako na naglalaman ng bigas na nakalagay sa apat na container van.   Dahil dito, nagsasagawa na umano ng imbestigasyon ang BOC para matukoy kung sino ang nasa likod ng pagnanakaw ng mga bigas.   Kasunod ng pagbatikos ni Aquino sa BOC nitong Lunes sa SONA, sinabi BOC Commissioner Ruffy Biazon na agad niyang ipinaalam sa pangulo ang kahandaang mabitiw sa puwesto pero hindi umano iyon tinanggap. -- FRJ, GMA News