Mga babaeng senador, pabor sa 'prescribed uniform' tuwing SONA
Pabor ang kababaihang senador sa panukala ni Sen. Miriam Santiago na magkaroon ng prescribed uniform sa pagdalo sa SONA ng Pangulo para maiwasan ang magarbong pagrarampa sa mga mamahaling gowns at mga barong habang dumaranas ng krisis ang bansa.
Ayon kay Sen. Loren Legarda, sang-ayon siya sa pahayag ni Santiago para maisulong din ang produkto ng Pilipinas partikular ang mga tela na gawa ng mga katutubo sa bansa.
“I-amend lang to include compliance with the tropical fabric use para ang suot lahat Philippine made, lahat indigenous fabrics, Philippine made, akma sa kultura ng ating mga katutubo. Maaari tayong mag-innovate para hindi kailangan mahal…. so hindi kailangang gumastos ng malaki para maging maganda,” ayon kay Legarda noong Martes.
“You can make a statement by making something authentic, something meaningful, something relevant. I call it fashion and nationalism,” dagdag pa ng lady solon kasabay ang panawagan sa kapwa niya mga senador na sundin ang tropical fabric law.
Handa din aniya siyang ibahagi ang pro-bono services sa kaniyang design experts o influence o maging in-house designer para sa pagsusulong ng gawang Pinoy.
Bagama’t sinabi naman ni Sen. Cynthia Villar na sa SONA lang naman magarbo ang kasuotan at regular lang naman sa mga sesyon, pabor din siya na magkaroon ng uniporme sa tuwing dadalo sa SONA ang mga mambabatas.
“Pero in a way din kasi isang way iyon para ma-highlight natin yung mga local designers natin, yung mga local fabric natin. Siguro nga, baka nga kasi mas maha-highlight kung ano ang suot ng mga uma-attend sa SONA. Siguro this is high time din to bring back the focus sa kung ano ba talaga ang pakay natin kung bakit tayo nagso-SONA at hindi para mapag-usapan kung ano ang aming mga susuoting damit,” ayon naman kay Sen. Ma. Lourdes ‘Nancy’ Binay.
Aniya, posible siyang sumama sa pagsusulong ng nasabing resolusyon kung mababasa niya ito ng buo.
“Siguro kapag nabasa ko na, bakit naman hindi kung okay naman ang isu-submit na resolution,” dagdag pa ni Binay. — Linda Bohol /LBG, GMA News