Opisyal ng CBCP: Bakla at tomboy, pwedeng maging santo pero...
Sino nga ba ang magkapagsasabi na straight na lalaki o babae ang santo na ating dinadasalan? Sa pananaw nga ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), maaaring maging banal ang sinuman, anuman ang kanyang “sexual orientation" pero hindi raw nito dapat ginagawa ang isang napakabigat na kasalanan.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ni Fr. Melvin Castro, executive secretary ng Episcopal Commission on Family and Life ng CBCP, na ang lahat ng uri ng tao ay tinatawagan na maging banal.
Kaya hindi umano dapat maging usapin sa kabanalan ang sekswalidad ng isang tao basta't hindi nagawa ng sexual intimacies sa kapareho niyang kasarian.
Katunayan, nang matanong ang pari kung mayroon kayang naideklarang santo na isa palang bakla o tomboy, sinabi ni Castro na posibleng may nagkaroon ng same-sex attraction ngunit duda siya kung nagawa sila ng sekswal na relasyon.
Basahin: Ang ikatlong Pinoy na posibleng maging santo
“Sasagutin ko ang tanong mo doon sa isang Franciscan Friar na si Fr. Grossiel, alam mo ang sagot niya, malamang nga na mayroon tayong Santo at Santa na mayroon same-sex attraction. Pero ano ang pinagkaiba? Hindi sila nagkaroon ng relasyon, they did not engaged in same-sex behavior," pahayag ni Fr. Castro sa panayam sa nabanggit na himpilan ng radyo.
"So, kung papaano ang heterosexual straight na sinasabi natin at homosexual ay kapwa tinatawagan na magkaroon ng 'chaste life' ay 'yon. Maski naman ang mag-asawa ay tinatawagan na magkaroon ng chaste life so which means lahat tayo ay tinatawagan na maging Santo at Santa tulad ng nabanggit mo regardless ng ating sexual orientation,” paliwanag pa niya.
Kamakailan lang ay inihayag ni Pope Francis na hindi dapat i-marginalized ang mga bakla pero nananatiling isang kasalanan ang "homosexual acts."
Kasabay nito, naninindigan naman si Fr.Castro laban sa mga nagmumukalang payagan ang “same sex" marriage.
Iginiit niya na sagrado ang kasal na para lamang sa babae at lalaki, at hindi sa magkaparehong kasarian.
"Tanggap natin sila pagkat mayroon silang same sex attraction pero hindi natin matatanggap kung mayroon silang same sex relationships at same sex unions,” paliwanag ni Castro na nagsabing paglabag sa turo ng banal na kasulatan ang pagpapahitulot ng same sex marriage.
“Acceptance or understanding, okey tayo diyan. Pero ano ba ang ibig sabihin nila sa acceptance? Konsentihin natin ang mali? konsentihin natin na may same sex union, same sex marriage? Konsentihin natin na may same sex behavior na nangyayari? Hindi mangyayari 'yan sapagkat 'yan ay napakalinaw sa banal na kasulatan," dagdag niya. -- MP/FRJ, GMA News