Kwelang elevator girl sa isang mall sa Olongapo, bumibida sa internet
Isang elevator girl sa isang mall sa Olongapo ang kinagigiliwan ng mga taong sumasakay sa elevator dahil nagagawa nitong masaya ang maigsi nilang paglalakbay. Sa pamamagitan ng kanyang kakaibang tono ng pagsasalita, naaaliw ni Charidel Alejandrino ang mga sumasakay sa minamandohan niyang elevator. Mula sa mga simpleng hirit na pakiusap, hanggang sa pagpapatawa, pagkanta at maging sa pagsita sa ilang sumasakay, dulot nito ay tawanan sa mga taong pinagsisilbihan. Kaya naman nang una siyang makita ito ni John Magpale, inirecord niya sa video si Charidel at inilagay sa Youtube ang kuha nito at kaagad na pumatok sa dami ng views. Dahil dito, naging instant celebrity ang kwelang elevator girl ng "Gapo." Kwento ni Magpale sa GMA news Saksi, napasakay siya sa elevator ni Charidel nang minsan masira ang escalator ng mall. Nagtaka siya at na-curious kung bakit nagtatawanan ang mga tao paglabas. Mula noon, naging suki na umano siya ng elevator. Puring-puri ni John ang dedikasyon ni Charidel sa kanyang trabaho. Ayon naman sa isang ginang, laging request ng kanyang anak na sumakay sa elavator lady na magaling magsalita. Ngunit bukod sa pagiging kwela ni Charidel, isa pang napuna ng mga sumasakay sa kanyang elevator ay ang pagiging magalang nito kaya naman tinatawag din siyang "Thank You" girl. -- FRJ, GMA News