3 estudyante na pinatalsik sa paaralan dahil sa pagsasalita ng Ilocano, pinababalik na
Pumayag na ang pamunuan ng isang pribadong paaralan sa Laoag, Ilocos Norte na bumalik ang tatlong estudyante na nauna na nilang pinatalsik dahil sa paglabag sa "English Only Policy" ng eskwelahan nang magsalita sila ng Ilocano. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, sinabing ang naging desisyon ng pamunuan ng Saviour Christian Academy ay kasunod ng pagkondena ng Department of Education (DepEd) sa ipinataw na parusa sa tatlong mag-aaral. Idinagdag sa ulat na nagkausap at nagkasundo na ang mga magulang ng mga mag-aaral at ang pamunuan ng paaralan tungkol sa usapin. ( Basahin: 3 mag-aaral na nagsalita ng Ilokano sa loob ng eskwelahan sa Ilocos Norte, pinatalsik) Gayunman, nagdesisyon umano ang mga magulang ng mga bata na huwag nang pabalikin sa naturang eskwelahan ang kanilang mga anak dahil sa trauma na nakaranasan sa ginawang pagpapatalsik sa kanila. Samantala, isang online petition ang inilunsad na humihiling na mapaalis ng Pilipinas ang presidente ng Saviour Christian Academy na isang Singaporean. Iginiit naman ng abogado ng paaralan na malinaw umano ang patakaran nila tungkol sa English speaking policy na nakasaad sa kanilang handbook. -- FRJ, GMA News