Kadayawan Festival, binuksan na; seguridad sa Davao City, todo higpit
Plano sa ngayon ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na tapusin ang isang linggong selebrasyon ng Kadayawan Festival na sinimulan na nitong Biyernes. Naging maayos naman at tahimik ang pagsisimula ng selebrasyon kasunod ng pinaigting na seguridad ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar. Ayon kay Duterte, sa ngayon ay tuloy ang kapistahan at ibabase na lamang niya ang magiging desisyon sa mga susunod na araw kung kakanselahin ang ibang aktibidad. Ibabase umano niya ang kanyang magiging desisyon sa makukuhang intelligence report mula sa pulisya at militar. Nitong Huwebes, inihayag ng alkalde ang posibilidad na kanselahan ang ilang aktibidad sa isang linggong selebrasyon bunga ng mga nagaganap na pagpapasabog sa ilang lugar sa Mindanao. Idinagdag ni Duterte sa naunang panayam na sa Agosto 13 ay malalaman ang kanyang desisyon kung itutuloy ang mga aktibidad ng kapistahan na Davao River Parade, Indak-Indak sa Kadalanan at Floral Float Parade, na nakatakdang gawin sa Agosto 16, 17 at 18. Sinabi ni Duterte na pangunahing mahalaga sa kanya ay kaligtasan ng mga tao. -- FRJ, GMA News