Tulay na pinakamatagal bago nagawa
Alam niyo ba kung saang lalawigan makikita ang tulay na inabot ng may 35 taon at nakapagpalit ng anim na pangulo ng bansa bago nagawa? Ang 180-meter na Aluling Bridge sa Cervantes, Ilocos Sur ang itinuturing tulay na pinakamatagal ginawa. Sinimulan itong planuhin at itayo noong 1978 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Ngunit nagdaan na ang administrasyon ni Marcos at iba pang dating pangulo na sina Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo, nanatiling hindi tapos ang tulay na nagkokonekta Ilocos Sur at Mountain Province. Ngunit nitong Agosto 15, pinangunahan ng kapatid ni Pangulong Benigno Aquino III na si Viel Aquino-Dee ang pagpapasinaya sa nabanggit na tulay matapos magawa na ito pagkaraan ng maraming taon. Dahil nagawa na ang tulay, hindi na kailangang suungin ng mga tao ang mapanganib na Abra river na naghihiwalay sa dalawang lalawigan. Ilan sa mga sinasabing dahilan kaya naging matagal ang pagggawa sa tulay ay ang bago-bagong panahon sa lugar, malakas na agos ng tubig sa ilog, at hirap sa pagbiyahe ng mga kinakailangan gamit sa konstruksiyon. -- FRJimenez, GMA News