ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Baha sa Ilocos Norte, humupa na; 3 bayan sa Ilocos Sur, isinailalim sa state of calamity


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bagaman nakararanas pa rin ng mga bahagyang pag-ulan, sinimulan na ng mga residente sa ilang bayan ng Ilocos Norte ang pagsasaayos sa kanilang binahang lugar. Samantala, umabot na sa tatlong bayan sa Ilocos Sur ang isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding epektong dulot ng pagbaha. Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabing umabot sa hanggang dibdib ang baha sa ilang barangay sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte dahil sa walang tigil na pag-ulan nitong nakaraang mga araw. Nagmistulang dagat naman ang ilang hektaryang sakahan sa barangay Tapao-Tigue sa bayan ng Currimao.  Ilang alagang hayop din ang nalunod sa baha. Umapaw naman ang isang ilog sa bayan ng Vintar at isang tulay ang tinangay ng bahay.  Dahil dito, napilitang magbalsa ang mga taong nais tumawid sa ilog. Sa barangay Salbang sa bayan ng Paoay, putik ang iniwan ng mga pagbaha at nakapinsala din ng tulay. Sa Ilocos Sur, isinailalim sa state of calamity ang mga bayan ng Narvacan, Sta Maria at Candon dahil sa pinsalang tinamo sa pagbaha. Tiniyak naman ni Gov. Ryan Singson na nakahanda ang pamahalaang panlalawigan na tumugon sa pangangailangan ng mga mamamayan at maging ang paglilikas sa mga tao kung kailangan. -- FRJ, GMA News