ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Plano ni PNoy sa 'pork barrel' funds, umani ng magkakaibang reaksiyon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umani ng magkakaibang reaksiyon sa mga mambabatas ang inihayag na plano ni Pangulong Benigno Aquino III tungkol sa pagbasura sa priority development assistance fund (PDAF) na mas kilala sa tawag na "pork barrel" funds. Ayon kay Speaker Feliciano Belmonte Jr., kaagad niyang pupulungin ang kanyang koalisyon sa Kamara de Representantes at maging ang hanay ng minorya para talakayin ang bagong mekanismo na gagamitin sa pondong ilalaan sa mga kongresista. “I agree with the President that it is about time to abolish the pork barrel system and reforms should be initiated now,” pahayag ni Belmonte matapos ang talumpati ni Aquino tungkol sa PDAF nitong Biyernes. Nasa tabi ni Aquino sina Belmonte at Senate President Franklin Drilon nang ihayag nito ang gagawing pagbuwag sa PDAF at pagkakaroon ng mas mahigpit na mekanismo sa paglalaan ng pondo sa mga mambabatas. Bawat taon, may P70 milyon na alokasyon ang mga kongresista, habang P200 milyon naman sa mga senador. Ayon kay Belmonte, isa sa mga lider ng Liberal Party (LP) ni Aquino,  inaasahan niya na magkakaroon ng pagtutol sa hanay ng mga mambabatas sa ipatutupad na pagbabago sa PDAF na nakasanayan na ng mga ito. Para naman kay House Majority Leader Rep. Neptali Gonzales II, dapat umanong suportahan ang isusulong na pagbabago ni Aquino tungkol sa kontrobersiyal na pondo. “Like the President, we are not numb, unmindful and insensitive to the growing clamor of our people for the abolition of the pork barrel. We welcome his pronouncements and we will certainly abide by it,” deklara niya. Ang dating kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) na si  Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., naniniwalang nasa tamang direksiyon ang plano ni Aquino sa PDAF. “The fact that Speaker Belmonte and Senate President Drilon were there (kasama ni Aquino), it only shows that wide consultations have been conducted with House leaders and members of Congress. The President took into account the necessity for reforms,” ani Andaya. Tingin naman ni Gabriela Party-list Rep. Emmi De Jesus,  nais lang ni Aquino na payapain ang inaasahang malawakang protesta laban sa pork barrel sa Lunes na gaganapin sa Luneta. Hamon ng kongresista,  gawing klaro ni Aquino ang pahayag nito kung tuluyang aalisin ang kontrobersiyal na pondo ng mga mambabatas at maging sa tanggapan ng Pangulo.   "Sinabi ni Noynoy na pwede pa din daw magtakda ang mga district congressmen basta isali bilang line item sa national budget ang mga panukala nila, eh di pork barrel pa din 'yon, ibang pangalan nga lang o di kaya, lihim na lang at walang pangalan para hindi mahalata," puna ng kongresista. Sa halip na bigyan lamang ng ibang tawag ang umano'y pork barrel na nagsimula umano sa ilalim ng liderato ng pumanaw na si dating Pangulong Cory Aquino, ina ni PNoy,  iginiit ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, na gawing line-item o tukuyin ang lahat ng proyekto at programa na popondohan ng gobyerno. “President Aquino and Congress should now adopt the line item budgeting for the entire P2.268-trillion national budget so that all items would be itemized, including his pork barrel. We have to determine where exactly government funds are spent,”  paliwanag ni Romualdez, kasapi ng oposisyon. “We have to totally abolish the pork barrel system that has been institutionalized during the time of his mother (Cory Aquino). We have to revert back to the old budget practice of line item budgeting which is very transparent,” dagdag niya. Si Senator Gregorio Honasan II, nagpahayag na maaaring malipat lamang sa executive department ang lugar ng katiwalian sa pork barrel. "Abolishing pork will only transfer power and corruption from Congress to the executive department agencies. It will deprive politically obscure districts of fundsin favor of urban areas," ayon kay Honasan sa ipinadalang text message. Sa hiwalay na text message, sinabi ni Sen. Aquilino Pimentel III na dapat maging mapagbantay ang publiko para matiyak na hindi mabubuhay sa ibang uri sistema ang PDAF. "Let us all be on the lookout for the possible reincarnation of the pork barrel in the future. In the past, when the Countrywide Development Fund was abolished, the PDAF took its place," panawagan nito. -- RP/FRJ, GMA News

Tags: porkbarrel, pdaf