59-anyos na utility aide na nagtrabaho kahit bumabagyo, namatay sa sobrang lamig
Isang 59-anyos na utility aide sa kapitolyo ng Pangasinan ang pumanaw dahil sa hypothermia o sobrang lamig matapos itong pumasok sa trabaho kahit matindi ang pag-ulan sa lalawigan. Sa ulat ni Jett Arcillana ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabing kabilang si Eduardo Tanda, sa tatlo katao na nasawi sa Pangsinan dahil sa pananalasa ng Habagat nitong nakaraang mga araw. Ayon sa asawa ni Tanda, nagpumilit ang kaniyang mister na magreport pa rin sa trabaho sa kabila ng matinding buhos ng ulan. Habang nagwawalis, bigla umano itong natumba hanggang sa binawian na ng buhay. Paliwanag ni Dr. Karlo Marco Orduna, chief of clinics ng Pangasinan provincial hospital, naaapektuhan ang puso at iba pang pangunahing organ ng tao kapag bumaba ang temperatura ng katawan dahil sa sobrang lamig. "Ang nagkokontrol kasi ng body temperature ay hypothalamus sa utak natin, so kapag bumagsak ang temperature ng katawan, nagkakatoon ng metabolic process sa cells," ayon sa duktor. "Ibig sabihin, yung init which is ibinibigay ng dugo natin nasa shunt sa ibang body parts, so yung effect, yung pasyente, nagkakaroon ng heart, vital organ problem," dagdag ni Orduna. Ang mga sobrang bata at mga matatanda ang higit umanong peligroso sa hypothermia. Samantala, nasawi naman si Pepito Escano, 68-anyos, makaraan itong malunod nang lumusong sa hanggang baywang na baha at nadulas. Inabot ng dalawang oras bago nakita ang mga labi ni Escano. Sa Dagupan City, anim na lamang sa 19 na barangay ang nanatiling lubog sa baha. Aabot sa mahigit P90 milyon ang pinsala sa empraestruktura at agrikultura ng Habagat sa Pangasinan. Sa kalapit na lalawigan sa Paniqui, Tarlac, may 1,000 katao ang tumutuloy sa mga evacuation center mula sa walong barangay na lubog pa rin sa baha. Dahil sa siksikan at kawalan ng maayos na sapin sa higaan, ilang bata umano sa mga evacuation center ang nagkakasakit na. -- FRJimenez, GMA News