ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bagyong 'Nando,' matindi ang epekto sa Ilocos Region


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ilang lugar sa Ilocos Region ang nalubog sa baha dulot ng pag-ulan na dala ng bagyong "Nando." Kinansela rin ang mga klase sa elementarya at high school dahil sa bagyo.   Sa ulat ni Argie Lorenzo ng GMA-Ilocos sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabing inilikas ang ilang residente sa Laoag, Ilocos Norte matapos umapaw ang mga ilog at umabot sa hanggang baywang ang baha.   Naapektuhan din at napinsala ng baha ang ilang sakahan at pananim.   Sa Batac City, nawasak ang bahagi ng isang kalsada dahilan para isang linya lang ang magamit ng mga motorista. Hindi rin muna pinapayagang dumaan ang mga malalaking sasakyan.   Nangangamba naman ang ilang residente na malapit sa ilog sa Brgy. Parado sa bayan ng Dingras dahil sa unti-unting pagguho ng lupa sa gilid ng ilog.   Isang sugatang dolphin naman ang napadpad sa baybayan ng Pasuquin habang kasagsagan ng malakas na ulan. Sa Benguet, kinansela rin ang mga klase sa lahat ng antas nitong Miyerkules dahil sa bagyo, ayon kay Governor Nestor Fongwan. "Malakas ang ulan, apektado ang daan lalo ang may landslide," pahayag ni Fongwan sa panayam ng dzBB radio.

Naging matindi umano ang pag-ulan sa lalawigan mula pa noong Martes. -- FRJ, GMA News

Tags: ilocos, nando