PCG: Bilang ng mga patay sa trahedya sa Cebu, tumaas ng 105
Tumaas na sa 105 ang bilang ng mga patay mula sa kolisyon ng pampasaherong barko at cargo ferry noong nakaraang buwan, inihayag ng Philippine Coast Guard nitong Linggo ng hapon.
Sa isang post nito sa Twitter, sinabi ng PCG na nitong 5 ng hapon, 105 mga labi na ang narekober habang 733 ang nailigtas.
Nauna nang inihayag ng Coast Guard na nitong 3 ng hapon, 104 mga labi na ang narekober, ngunit nitong 5 ng hapon, sinabi nitong "additional one cadaver was recovered."
Samantala, 32 pa ang nawawala at kasalukuyang pinaghahanap, dagdag nito.
Narekober ang mga labi sa pagtutulungan ng Philippine Coast Guard, ang Philippine Navy at ilang mga sibilyang diver na boluntaryong tumulong.
Ang mga patay ay mula sa paglubog ng MV Saint Thomas Aquinas 1 noong Agosto 16 matapos itong bumangga sa cargo vessel MV Sulpicio Express 7.
Nagdulot rin ng oil spill ang insidente na nakaapekto sa bayan ng Cordova. Sa kalaunan, inilagay ng lokal na pamahalaan ang buong probinsya sa ilalim ng state of calamity.
Nauna nang inihayag ng pulis na maaaring mahirapan sila sa pagkilala ng mga biktima sapagkat nabubulok na ang ilang mga labing natagpuan. — Amanda Fernandez/BM, GMA News