Brgy. kagawad sa Davao City na tatakbo raw sanang kapitan, pinatay
Isang barangay kagawad na may plano umanong tumakbong kapitan sa darating na barangay elections ang pinagbabaril ng mga nagpakilalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Davao City. Sakay ng tricycle ang biktima na pauwi na sana mula sa barangay hall ng barangay Tagakpan nang tabihan siya at pagbabarilin ng mga suspek na nakasakay naman sa motorsiklo, ayon sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes. Nag-iwan pa ng sulat ang mga suspek na nagpakilalang NPA, at pinarusahan umano nila ng kamatayan ang kagawad dahil sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga at iba pang krimen. Nanininiwala naman ang mga kamag-anak ng biktima na pulitika ang nasa likod ng krimen dahil may plano umanong tumakbong kapitan ng barangay ang kagawad sa darating na barangay elections sa Oktubre. - FRJ, GMA News