ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bonifacio Global City, nasa ilalim pa rin ng Taguig City dahil sa 'status quo' -- Roxas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinikilala ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na nasa ilalim pa rin ng hurisdiksiyon ng Taguig City ang Bonifacio Global City (BGC) habang wala pang pinal na desisyon ang korte na nagsasabing ang Makati City ang tunay na nakasasakop sa pinag-aagawang business district. Sa ulat ng Marisol Abdurahman sa GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Roxas na "status quo" muna ang sitwasyon pagdating sa BGC at kikilalanin na nasa hurisdiksiyon pa rin ito ng Taguig na pinamamahalaan ni Mayor Lani Cayetano. Gayunman, mahigpit na pinaalalahan ni Roxas ang mga pulis sa Taguig at Makati na huwag makisangkot sa usapin ng agawan sa teritoryo ng dalawang lungsod. Basahin: NCRPO: Taguig cops to patrol disputed parts of Fort Bonifacio while court dispute pending Nitong Miyerkules, muling nagkainitan ang mga tauhan ng dalawang lungsod nang baklasin ng mga tauhan ng Taguig ang mga tarpaulin na ikinabit ng mga tauhan ng Makati na nagpapakitang sakop na nila BGC. Sinasabing ang mga tarpaulin ay inilagay sa hangganan o boundary ng dalawang lungsod. Iginiit naman ni Cayetano na nakabinibin pa ang kanilang apela sa naging desisyon ng Court of Appeals na pumapabor sa Makati. Umaasa siya na hindi muna gagawa ng hakbang si Mayor Jejomar Erwin Binay na magdudulot umano ng kalituhan sa publiko at mga mamumuhunan. Inamin ni Cayetano na mabigat na usapin para sa kanilang lungsod ang agawan sa BGC na iniinda umano maging ng kaniyang mga kababayan. Kasabay nito, tiniyak ng alkalde na hindi niya kukunsintihin at pananagutin niya ang mga tauhan na lalabag sa batas kaugnay sa pag-aagawan sa BGC. -- FRJimenez, GMA News