Pinoy na miyembro ng FBI na kasamang bumuo sa NBI
Alam niyo ba na isa sa dalawang tao na inatasan noon ni dating Pangulong Manuel L. Quezon na bumuo sa National Bureau of Investigation (NBI) ay isang Filipino na naging miyembro ng Federal Bureau of Investigation (FBI). Taong 1936 nang aprubahan ni Pangulong Quezon ang pagbuo ng Division of Investigation o DI, na mas kilala na ngayon bilang NBI. Ang konsepto ng paglikha ng DI na hango sa FBI ay nagmula naman sa pinuno ng Department of Justice na si Secretary Jose Yulo. Sina Thomas Dugan, beteranong pulis sa New York at Flaviano Guerrero, Pinoy na miyembro ng FBI ng US, ang inatasang mag-organisa ng magiging pangunahing sangay ng pamahalaan sa pagsisiyasat. Sa simula, 45 ang naging miyembro ng DI na kinabibilangan ng mga duktor, chemist, fingerprint technician, photographer, stenographer, at clerk. Sa pamamagitan ng isang Executive Order ni dating Pangulong Manuel Roxas noong 1947, pinalakas ang ahensiya at palitan na ng pangalan bilang National Bureau of Investigation, na pinamunuan ng unang NBI Director na si Pardo de Tavera. -- FRJimenez, GMA News