Plebesito sa bagong probinsiya sa Davao, isasabay sa barangay elections -- Comelec
Upang makatipid sa gastos, isasabay ng Commission on Elections ang plebesito para sa pagbuo ng bagong lalawigan ng Davao sa darating na barangay elections sa Oktubre 28. Ayon kay Christian Robert Lim, pinuno ng steering committee sa barangay elections, ang hiwalay na plebesito ay magkakahalaga sana ng P40 milyong pondo. "We're saving about more than P20 million if we synchronize it with the barangay elections," ani Lim sa isang press briefing nitong Miyerkules. Inaprubahan na ng Comelec ang P11 milyong budget para sa synchronized plebiscite, dagdag ni Lim. Pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III para maging ganap na batas noong Enero ang Republic Act 10360 na lilikha sa probinsya ng Davao Occidental. Ang bagong probinsiya ay binubuo ng mga bayan ng Sta. Maria, Malita, Don Marcelino, Jose Abad Santos at Sarangani sa Davao del Sur. Kinakailangang magsagawa muna ng plebisito sa mga botante na masasaklaw ng mga nabanggit na lugar bago mabuo ang bagong probinsiya upang malaman kung pabor sila o hindi na masakop ng bagong lalawigan. Maaprubahan lamang ang bagong probinsiya kapag nakakuha ng boto mula sa mayorya ng nasa 523,862 botante. Magbibigay ng espesyal na balota ang Comelec para sa mga botante ng Davao del Sur kung saan naglalaman ito ng mga pangalan ng mga lokal na kandidato, at ng "yes" o "no" na tanong tungkol sa paggawa ng bagong probinsiya. -- JGV/FRJ, GMA News