Sundalo, patay sa ika-11 araw na bakbakan sa Zambo City
Nasawi ang isang sundalo sa bakbakan maaga nitong Huwebes ng umaga, ang ika-11 araw ng patuloy na labanan sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno at ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front sa Zamboanga City.
Naganap ang insidente sa Barangay Sta. Catalina, ayon sa ulat ni Benjie Liwanag Jr. ng dzBB.
Ayon naman sa ulat ni Ian Cruz sa "News TV Live," napatay ang sundalo nang barilin siya ng isang sniper. Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines public affairs chief Lt. Col. Ramon Zagala ang insidenteng ito.
Ayon sa ulat, 10 na ang bilang ng mga sundalong napatay sa krisis sa Zamboanga City.
Samantala, 86 miyembro ng MNLF ang napatay at 93 naman ang nadakip, o sumuko at nasa pangangalaga ng pulis, dagdag nito.
Noong Miyerkules, sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Domingo Tutaan Jr. na para sa gobyerno, 14 ang napatay na kinabibilangan ng 11 sundalo at tatlong opisyal ng pulis; at 127 naman ang sugatan, kabilang 105 sundalo at 12 opisyal ng pulis.
Dagdag ni Tutaan, 152 na mga bihag na ang nailigtas habang 100 pa ang hawak ng mga miyembro ng MNLF.
Sunog at barilan
Samantala, nagkaroon na naman ng panibagong sunog sa Barangay Rio Hondo sa Zamboanga City nitong Huwebes ng umaga, ayon sa ulat ni Chino Gaston sa "News To Go."
Ayon sa ulat, hindi pa natutukoy kung sangi ng bakbakan o arson ang sunog.
Ayon naman sa ulat ng radio dzBB, mayroong sunog na naganap nitong Huwebes ng umaga sa Barangay Sta. Barbara.
Nitong Huwebes, mayroong mga narinig na putok ng baril nitong umaga habang patuloy na nagbabakbakan ang tropa ng gobyerno at mga miyembro ng MNLF.
Sinabi naman ni Philippine National Police deputy director for operations General Felipe Rojas Jr. na naagaw na nila ang 80 porsyento ng mga lugar na sinubukang sakupin ng MNLF. Dagdag niya, patuloy pa rin ang clearing operations.
Nagpadala naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources noong Miyerkules ng surveillance vessel upang protektahan ang mga lokal na mangingisda at bantayan ang mga tumatakas na hinihinalaang miyembro ng MNLF.
Sa ulat ni Manny Vargas sa dzBB, siniguro ni BFAR head Asis Perez na prayoridad nilang siguruhing ligtas ang mga mangingisda habang nagbabakbakan sa Zamboanga City.
'The end is near'
Samantala, bunsod sa pagsuko ng 15 tagasunod ni Misuari sa mga awtoridad nitong Huwebes, sinabi ng isang opisyal ng military na maaari nang simula ito sa pagtatapos ng krisis.
Ayon kay Lt. Col. Harold Cabunoc, commander of the Philippine Army’s 7th Civil Relations Group, sumuko ang 15 tauhan ng MNLF sa 44th Infantry Battalion ng Army at sa Philippine National Police-Special Action Force.
Mula noong Setyembre 9, nakipagbakbakan ang mga tagasunod ni MNLF founding chairman Nur Misuari sa mga tropa ng gobyerno.
Matatandaang noong nakaraang buwan, idineklara ni Misuari ang pagtatag ng United Federated States of Bangsamoro Republik sa isang pagpupulong kasama ang kanyang mga tagasunod sa Sulu. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News