2 kongresista, nagkainitan sa budget deliberation sa Kamara
Nagsigawan at nagkagirian ang dalawang kongresista sa plenaryo ng Kamara de Representantes nitong Biyernes habang tinatalakay ang panukalang budget ng pamahalaan para sa 2014 na umaabot sa P2.268 trilyon.
Kinompronta ni Abakada party-list Rep. Jonathan dela Cruz si Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte dahil sa umano'y pagmamadali ng huli na tapusin ang deliberasyon na ang nakasalang ay ang pondo ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Giit ng dating mamamahayag na si Dela Cruz, nais niyang mahimay ng husto ang pondo ng ARMM dahil na rin sa nangyayaring kaguluhan sa Mindanao, partikular sa pagsalakay ng ilang tauhan ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City.
"I asked them what's the standing of the ARMM discussion, and they said it's already terminated. I asked them why. I had enlisted my name at 1 a.m. when the debates were suspended," paliwanag ni dela Cruz.
Si Belmonte ang naatasan ng liderato ng Kamara na maging "floor leader" sa plenaryo nang talakayin ang pondo ng ARMM.
Sinabing ikinagalit ni Belmonte ang ginawa umanong pagtataas ni Dela Cruz ng boses.
Sa gitna ng girian nina dela Cruz at Belmonte, pumagitna na si House Majority leader at Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II, at pribadong kinausap ang dalawa.
Kaugnay nito, itinanggi naman nina dela Cruz at Belmonte ang inilagay na post sa Twitter account ni ACT party-list Rep. Antonio Tinio, na nagkasakitan silang dalawa.
"Two representatives grappled with each other (literally) and nearly came to blows on the floor at start of last day of budget deliberation," nakasaad sa post ni Tinio (@tonchi).
Kaagad namang nasundan ang post ng kongresista: "One of the representatives involved wants me to clarify that there was a heated exchange but no 'grappling' involved". -- RP/FRJ, GMA News