ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

De Lima, nagpalipas ng magdamag sa ospital


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa dami ng kinakaharap na trabaho sa Department of Justice, tila naapektuhan na ang kalusugan ni Justice Secretary Leila de Lima, na kinailangang magpalipas ng magdamag sa isang ospital nitong Biyernes.

Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing inobserbahan at sumailalim sa ilang pagsusuri si de Lima, na ayon sa kaniyang mga duktor ay matagal na raw dapat ginawa ng kalihim.

 
"Hi, I'm fine. Just staying in a hospital overnight for a series of tests which is overdue. My doctors keep on pestering me na to do this, especially [since] I've been nursing an on-and-off fever since last week," sabi ni De Lima sa ipinadalang text message.

Inaasahang nakalabas na ng ospital ngayong Sabado ang kalihim na naging abala sa ilang high profile cases nitong nagdaang mga linggo tulad ng pagsasampa ng kaso sa ilang mambabatas kaugnay ng pork barrel scandal.

Inaasahan naman na sa darating na mga araw ay isusumite rin ng DOJ ang mga posibleng ikakaso sa mga kasapi at opisyal ng Moro National Liberation Front (MNLF) na sumalakay sa Zamboanga City.

Noong Agosto 2010, na-confine na rin si De Lima sa ospital matapos tamaan ng pneumonia. Pinayuhan siyang magpahinga ng isang buong linggo. -- JGV/FRJ, GMA News