AFP: Clearing ops sa Zambo, maaaring tumagal ng 2 linggo
Maaaring tumagal ng dalawang linggo bago ligtas nang makababalik ang mga residente sa kanilang mga tirahan sa Zamboanga City, kung saan naganap ang 20-araw na bakbakang sa pagitang ng mga sundalo't Moro National Liberation Front fighters na nagresulta sa pagkamatay ng daan-daan.
“Binigyan kami ng approximately two weeks to finish the clearing,” ani Armed Forces of the Philippines Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala.
Ayon sa kanya, kinakailangan munang siguruhin ng tropa ng militar na wala nang mga pasabog na naiwan ang MNLF, ang grupong lumusob sa lungsod.
“ We still need to do clearing. It's very important that we clear these places. We are doing it by sector and phasing kasi malaki ang area and we have stragglers na nagtatago. [We also have to] remove unexploded ordnances, like unexploded grenades, unexploded mortars which pose a danger to not only to law enforcement and the AFP, but also to residents [when they eventually return],” ani Zagala.
Nagresulta ang krisis, na nagsimula noong Setyembre 9, sa pagkamatay ng 167 rebeldeng MNLF, 23 pulis at militar, at 12 mga sibilyan.
Samantala, siniguro naman ni Zagala ang publiko na tapos na ang krisis at matagumpay nang nailigtas ang mga nabihag ng MNLF.
“Definitely the worst is over. We have already completed our mission. There were two missions given to us: the first mission is to rescue the hostages, the second mission is to remove the threat, and we have already removed the threat, as noted by so many captured and so many enemy killed,” aniya.
Dagdag niya: “Wala na yung threat, and kung may matira mang stragglers they are not organized anymore, not like before, that’s why its safe to say the AFP has already completed its mission."
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, nagsimula ang clearing operations ng militar sa isang ospital ng gobyerno sa border ng sinakop na bahagi ng lungsod sa tulong ng explosive experts at "bomb-sniffing dogs."
Mayroong natagpuang hindi pa sumasabog na 40mm grenade shell sa bubong ng ospital, ayon sa mga mamamahayag. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News